Sa panahon ngayon, ang dami ng shares, likes at views ang labanan pagdating sa social media content na talaga namang pagkakakitaan kung maraming subscribers at marami ang tumatangkilik.
Kaya ang mga content creators, kung ano-anong gimik ang naiisip upang makakuha lamang ng sapat na likes at shares para kumita ng pera.
Easy money nga naman kung iisipin, dahil mantakin mo, gagawa ka lang ng video na nakakatawa o nakakapukaw ng damdamin, kikita ka na agad.
Pero para sa kaalaman ng mga taong nagnanais mag-viral upang kumita, mayroon dapat alituntunin kung hanggang saan lamang ang dapat mailabas sa social media.
Kamakailan, naharap sa reklamo sa Quezon City Prosecutors’ Office ang isang social media influencer at apat na Tiktokers dahil sa pagsira at pagyurak sa pera na ginawang pamunas ng sapatos na ipinost nila sa social media.
Kasama umano sa mga inireklamo ang isang social media influencer na nagpunit ng P20 na papel sa video na kaniyang ipinost at isang magician umano na bumutas umano sa isang 1000-peso bill.
Damay rin sa reklamo ang isang lalaki na ginamit ang 50-peso bill bilang embudo para maisalin ang langis sa motorsiklo, may nag-staple ng 100-peso bill sa plastic basketball net, at may lalaking ginawang pamunas ng sapatos ang dalawang 500-peso bills at saka itinapon.
“Willful defacement, mutilation, tearing, burning or destruction of Philippine banknotes and coins are punishable by a fine of not more than PHP20,000 and/or imprisonment of not more than five years,” sabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa isang pahayag.
Hindi naman masamang kumita ng pera, pero dapat naman sanang igalang ang ating currency, dahil hindi biro ang ginagawa ng ating mga kababayan ngayon upang kumita ng pera sa kabila ng mga hamong hinahaharap sa buhay.
Kaya sa mga nagnanais maging social media influencer, magsilbi sanang babala ito na hindi lahat ay palalampasin kahit pa sabihin na for content purposes lamang ito.
Hindi dapat pamarisan ang mga ganitong klaseng nilalang.