Pinaghahanap pa rin sa ngayon ang katawan ng isang 10 anyos na batang lalaki na umano’y sinakmal ng isang buwaya habang nangangawil ang bata sa ilog sa Barangay Canipaan, Rizal sa Palawan.
Sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Rizal, 10:30 a.m. noong Agosto 28 nang nangangawil at naligo sa ilog ang bata kasama ang mga kaibigan. Pero bandang 5 p.m., nakita itong sakmal na ng buwaya at tinangay palayo.
Tumulong na rin ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center (PWRCC) sa paghahanap sa bata.
Magsasawa ring muli ng assessment sa Canipaan River para pag-aralan kung ano ang magiging hakbang para hindi na muling maulit ang pag-atake ng buwaya.
Sa isinagawang pag-aaral ng Crocodylus Porosus Incorporated noong 2018, lumalabas 33 buwaya na may iba’t ibang laki at sukat ang naninirahan sa ilog.
Nagkaroon na rin ng panukalang gawing crocodile sanctuary ang lugar, pero mayroong ilang kondisyon na dapat ikonsidera–gaya ng pagpapaalis ng mga naninirahan malapit sa ilog–kaya hindi pa ito naisasakatuparan.
“Ang huling pagkakaalam ko ay mayroon ng draft management plan ngunit parang pagdating sa side ng (local government unit) may mga comments pa sila sa management plan,” ayon sa tagapagsalita ng PCSD na si Jovic Fabello.
“Ang comments ata ay kung papaalisin ba yong mga tao na nasa pampang. May mga areas kasi doon na titulado, mayroong areas na timberland so marami pang aayusin.”
Nasa breeding season rin umano ang mga buwaya kaya nangyayari ang pag-atake hindi lamang sa gabi kundi maging sa araw.
“Talagang ibayong pag-iingat kapag gagamit sila ng katubigan lalo na sa ilog. Madalas natin silang pinaalalahanan na kapag gabi active ang buwaya ngunit pwede rin kasing maging active yan kahit during the day kapag breeding season.”