Killer truck: 6 patay

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang sanggol at lima pang kataong inararo ng humaharurot na truck habang sakay ng tricycle at motorsiklo sa Tumauini, Isabela, Linggo.

Sa ulat ng Tumauini Police, kinilala ang mga biktimang sina Arnel Menor driver ng tricycle, asawa nitong si Diana Rose; anim na buwan nilang anak na si Prince Adrian Menor, pawang mga residente ng Mallig, Isabela; mag-asawang Elma Caronan at Ernesto Caronan, ng Barangay Bliss Village Ilagan na mga sakay ng tricycle, habang ang sakay naman ng motorsiklo ay kinilalang isang indian national na si Kuldip Singh, ng District 3.

Nasa kustodiya na rin ng mga awtoridad ang driver ng truck na si Oliver Zamora ng Purok Daisy, Caloocan, Alicia, Isabela at kasama nitong si Julius Zilapo na parehong sugatan.

Ganap na alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa national highway na sakop ng Brgy. Balug.

Binabaybay noong motorsiklo na sinusundan ng tricycle ang nasabing kalsada nang biglang sumulpot ang humaharurot na truck at inararo ang dalawang sasakyan.

Tila nayuping lata ang tricycle at wasak din ang motorsiklo ng mga biktima. Agaran itong ikinasawi ng anim.

Napag-alaman naman mula sa mga awtoridad na lasing ang driver ng truck nang maganap ang insidente. Nahaharap ang suspek sa patong-patong na kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *