AMPATUAN POLICE CHIEF, PATAY SA AMBUSH

Nasawi ang hepe ng Ampatuan municipal police station sa Maguindanao at isa pang pulis na kasama, habang nasa apat ang sugatan matapos silang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa naturang bayan.

Nangyari ang pamamaslang sa Purok 5, Brgy. Poblacion.

Ayon kay Bangsamoro Autonomous Region police regional director Police Brig. Gen. John Guyguyon, nasa biyahe ang mga biktima patungo sana sa isang lugar kung saan nila ipatutupad ang isang warrant of arrest.

Nagtungo sa Barangay Kapinpilan ang grupo upang arestuhin ang isang nagngangalang Kamir Kambal na wanted umano para sa robbery and intimidation of persons.

“Initial report is that ‘yung ating COP (Chief of Police) and one other ay killed. And may mga sugatan. Pero inaalam pa natin. Pa-proceed pa ‘yung tropa,” saad ni Guyguyon.

Ayon sa mga ulat, nang makarating ang grupo sa lugar ay pinaulanan na sila ng mga bala.

Sa ngayon ay nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya para mahuli ang mga suspek.

Sa isang pahayag, kinumpirma ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang insidente at sinabing tinutugis na ang mga nasa likod ng pamamaslang.

“The PNP has intensified efforts in running after lawless elements who ambushed elements of Ampatuan Municipal Police Station while serving Warrants of Arrest on Tuesday morning… We will verify the identity of the casualties and surely we will bring justice to the death of our comrades,” sabi ng PNP.

Kinilala ang hepe na si Police Lt. Reynaldo Samson habang ang kanyang close-in aide ay kinilala bilang si Corporal Salipudin. Namatay agad ang dalawa dahil sa mga tama ng bala. Ang mga sugatan naman ay kinilala na sina P/Master Sgt. Renante Quinalayo, Corporals Rogelio Dela Cuesta, Jr. at Marc Clint Dayaday.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *