Dapat magpabakuna

Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ang banta ng COVID-19 pandemic sa bansa, at hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagpapaalala ang pamahalaan na sumunod sa mga minimum health protocols na ipinatutupad.

Pero ang pinakamahalagang programang nasimulan ay ang pagbabakuna kontra sa nakamamatay na sakit, kaya naman hanggang sa ngayon ay hinihimok ng pamahalaan ang lahat na magpabakuna.

Una sa lahat, libre naman ang magpabakuna kontra COVID-19 at gumagawa na rin ang pamahalaan na mailapit sa lahat ang bakuna sa pamamagitan nang pagtatayo ng mga vaccination sites.

Isa ang Commonwealth Market sa 24 na pamilihan sa Metro Manila na may vaccination site para mas mailapit ang pagbabakuna sa publiko.

Sa panibagong “PinasLakas” campaign, target na mabakunahan ang 90 porsiyento ng mga senior citizen at mabigyan ng unang booster ang 50 porsiyento ng eligible population.

Ayon kay Dr. Gloria Balboa, direktor ng Department of Health (DoH) Metro Manila Center for Health Development, malapit nang maabot ang mga target na ito.

“In terms of first booster dose, ang buong NCR (National Capital Region) is 47.89 percent na… So, kumbaga, kaunti na lang,” sabi Balboa.

“Sa senior citizens… ang buong NCR ay naka-90.6 percent na tayo,” dagdag niya.

Pero aminado si Balboa na habang tumataas ang bilang ng mga nababakunahan, lalong nagiging mahirap ang paghahanap sa mga taong kailangan pang maturukan.

“Nagha-house to house pa rin tayo. Kasi lalo na yung mga senior citizens, sila ‘yon mga hindi na makalabas ng bahay,” aniya.

“Pati sa mga nursing homes, pinupuntahan din po ‘yon.”

Para maabot ang target sa Metro Manila para sa unang booster, kailangang makapagturok ng hindi bababa sa 10,000 tao kada araw.

Kampante si Balboa na maabot kundi man malampasan ang target.

Gayunpaman, kailangan pa ring paigtingin ang pagbabakuna sa iba pang bahagi ng bansa, lalo’t lumalabas sa datos ng DoH na sa higit 1 milyong target na senior citizens na mabigyan ng first dose, 22,688 pa lang ang nababakunahan.

Halos 2 milyon pa lang din ang nabibigyan ng boosters mula sa target na 23 milyon sa buong bansa, ayon sa DoH.

Mahalaga ang pagbabakuna dahil isa ito sa mga paraan upang maibalik na sa dati ang pamumuhay natin dito sa bansa.

Kaya muling paalala sa lahat: Magpabakuna kayo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *