MASUNGI GEORESERVE, ININSPEKSYON

Nagtungo ang ilang mga opisyal mula sa Department of the Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources sa Masungi Georeserve nitong Biyernes upang magsagawa ng inspeksyon matapos umanong magkampo sa lugar ang ilang armadong lalaki na napag-alamang mga guwardiya pala mula sa isang security agency.

Ayon sa DILG, hindi maaaring basta-basta pumasok ang mga taong may dalang armas sa mga pinag-aagawang lupa upang hindi magkaroon ng tensiyon lalo na sa mga tao sa paligid.

Isinagawa rin ang inspeksiyon ang nangyari umanong “protesta” ng ilang residente sa Rizal dahil sa umano’y pang-aagaw ng lupa ng Masungi.

Pero ayon sa pamunuan ng Masungi, gawa-gawa lamang ito at hindi na bago at parte umano ito ng sistematikong propaganda laban sa conservation foundation.

Nang makaharap ang mga opisyal ng DENR at DILG, naglabas ng hinanakit ang Masungi Georeserve Foundation dahil hindi umano umaaksiyon ang pamahalaan para tulungan sila sa pangangalaga ng protected area.

May mga naitayo na rin anilang ilegal na establisimyento sa loob ng protected area, tulad ng mga resort, bahay, at ibang istruktura.

Ayon sa DENR, iimbestigahan nila ito.

Samantala, ipinag-utos ni DILG Secretary Benhur Abalos na dapat hindi na madagdagan pa ang mga ilegal na establisimyento sa loob ng Masungi Georeserve at magtatayo rin ng kampo ng mga pulis para panatilihin ang kaayusan doon.

Ang Masungi Georeserve ay isang ecotourism park sa loob ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL) – ang isa sa 94 protected areas sa ilalim ng E-NIPAS law, ayon sa website ng environment department.

Taong 2015 nang buksan ng MGFI ang naturang ecotourism park sa publiko. Makalipas ng 2 taon, pumirma ito ng memorandum of agreement sa DENR para sa conservation efforts sa 2,700 ektarya sa loob ng UPMRBPL.

Pero sakop ng 2017 MOA ang bahagi ng lupaing napapailalim naman sa ancestral domain claim.

Nag-apply ang Dumagat-Remontados ng Antipolo para sa isang Certificate of Ancestral Domain Title na nakakasakop sa 13,000 ektarya o kalahati ng 26,126-hectare total land area ng UMRBPL.

Ayon sa DENR, ipapa-review nito ang memorandum of agreement ng Masungi Georeserve at ng pamahalaan.

Nagpasalamat naman ang mga opisyal ng gobyerno sa foundation dahil sa kanilang mga ginagawa para mapangalagaan ang kalikasan, lalo’t dapat protektahan ang mga watershed dito para maiwasan ang malawakang pagbaha sa Metro Manila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *