Sa bakuran binanatan

MALABON — Patay ang isang lalaking dayo ng inom sa lugar na umano’y teritoryo ng matagal na niyang kaaway matapos siyang barilin nito Martes ng gabi.

Kinilala ng Malabon Police ang biktimang si si Hernando Brucel Jr, ng Phase 2, Area 1, Dagat-Dagatan, Brgy. NBBS, Navotas City, habang ang suspek na agad ding nadakip ay kinilalang ring si Jomel Cerbito, 28, truck helper sa Phase 2, Area 3, Hiwas Alley, Brgy. Longos.

Base sa imbestigasyon nina PSSg. Mardelio Osting at PSSg. Diego Ngippol, ay may nagimbita umano sa biktima na dumalo sa isang kasiyahan sa Hiwas St., Brgy. Longos, na agad naman niyang pinaunlakan.

Ngunit alas-onse ng gabi ay bigla na lamang nagkrus ang landas ng biktima at suspek sa isang maliit na eskinita, na, lingid sa kaalaman ng biktima, ay doon din lang pala nakatira.

Ayon sa mga nakasaksi, nakita na lamang umano nilang biglang nagtalo ang dalawa, at nang tangka na sanang umalis at hayaan nalang sana ng biktima ang suspek, ay bumunot ng baril ang huli saka walang kagatol-gatol na binaril ng isang beses sa likod ang biktima.

Matapos ang insidente ay parang walang nangyari na naglakad lamang ang suspek palabas ng eskinita patungo sa Hasa-Hasa Street.

Agad namang nakaresponde ang mga tauhan ng Malabon City Police SS5, na sila na ring nagsugod sa biktima sa Tondo Medical Center, ngunit na rin ito pinalad na mabuhay at nasawi sa biyahe pa lang dahil sa kritikal na tama nito sa likod na tumagos umano sa kanyang dibdib.

Mabilis din namang naaresto ang suspek matapos na positibong ituro at pangalanan ng isa sa mga nakasaksi. Narekober sa kanya ang isang magazine na kargado ng limang bala ng .9 mm.

Napag-alaman ding may kasabwat umano ang suspek na kinilala lamang sa JR Mungkoy, 28, ng Sabalo St. Brgy. 8, Caloocan City, na kasalukuyang pinaghahanap na ng pulisya.

Lumabas din sa imbestigasyon na pinlano na maimbitahan ang biktima sa lugar ng suspek at kasabwat nito upang magantihan sa dati na nilang awat na hindi pa rin malinaw kung anong pinag-ugatan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *