Magbantay tayo

Mukhang nag-eenjoy na ang sambayanan ngayon sa paglabas-labas lalo na nang aprubahan ang implementasyon ng voluntary mask-wearing sa mga open spaces at hindi matataong lugar.

Pero ang nakakalimutan yata ng publiko, hindi pa rin natatapos ang COVID-19 pandemic at nariyan pa rin ang banta ng nakamamatay na sakit at naglalabasan pa rin ang iba’t ibang variants ng virus sa bansa.

Nitong nakaraan nga, inihayag ng Department of Health (DoH) na binabantayan na nito ang ilang mga ospital sa Metro Manila para sa mga tumataas na kaso ng COVID-19 dito.

Ayon kay DoH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, may nakikita na silang pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng naoospital dahil sa COVID-19 sa ilang lugar sa bansa.

“Less than 50 percent naman po ang hospitalization sa lahat ng parte ng bansa, although may binabantayan na po kami na mga lugar, kung saan merong mga nakikitang pagtaas ng pag-a-admit ng mga pasyente,” saad ni Vergeire sa isang panayam sa radyo.

“Actually last week po we met with our National Capital Region (NCR) local governments and hospitals, dahil pinapalipat po namin yung mga mild and asymptomatic palabas ng ospital para po magluwag ang kanilang ospital,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Vergeire na nasa moderate risk na ang NCR dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa rehiyon at tumataas rin ang mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

“We have this growth rate na tumaas nung September 22-September 28, we already have an average of 2,334 cases here in the country. Ito po ay two percent higher from last week. At pag kinumpara natin from last two weeks ago naman, it’s seven percent higher,” sabi ni Vergeire.

Una nang sinabi ng DoH na ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ay maaaring dulot ng pagbubukas ng ekonomiya at mga katangian ng COVID-19 variants sa bansa.

Ngayong sinasabi ng Health department na nagsisimula na namang tumaas ang mga naitatalang kaso ng COVID-19, hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang mga mamamayan na sundin ang mga health at safety protocols.

Mas maigi pa rin ang pagsusuot ng mask kahit nasa labas, upang masigurong hindi na tayo aabot sa panibagong surge ng COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *