RADIO BROADCASTER INAMBUSH, PATAY!

Isang radio broadcaster at kolumnista ang namatay nang tinambangan at pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang mga salarin sa Las Piñas City nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang radio broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa sa tunay na buhay at ayon sa imbestigasyon, namatay agad ang broadcaster dahil sa mga tinamong tama ng bala mula sa mga salarin.

Nangyari ang insidente sa Barangay Talon Dos at batay sa paunang report, papasok umano sa isang subdivision si Lapid dakong 8:30 p.m. sa Aria Street nang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.

Agad tumakas ang mga suspek.

Narekober naman ng mga pulis ang dalawang basyo ng baril sa crime scene.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. Nagsimula na silang magkalap ng CCTV footage na posibleng nakahagip ng pangyayari.

Ayon sa mga kaanak, wala silang alam na death threat laban kay Lapid. Pauwi na raw ang biktima nang mangyari ang pamamaril.

Host ng online broadcast program na “Percy Lapid Fire” sa DWBL 1242 at kolumnista ng Hataw ang biktima.

Samantala, bumuo na ng special investigation task force ang pulisya para tumutok sa imbestigasyon, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Martes.

Ayon sa PNP, gagawin nila ang lahat upang masigurong makikilala ang mga may kagagawan ng krimen.

“The PNP vows to bring justice to an attack against a member of the media industry,” sabi ng PNP sa isang pahayag. “Investigation is underway to determine the culprits and motive of this case.”

“A Special Investigation Task Force was already created by Las Piñas City Station of NCRPO (National Capital Region Police Office) to spearhead and coordinate the investigative and prosecutorial efforts of the PNP,” dagdag niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *