Bilang ng mga nasawi dahil sa diarrhea, tumaas

Inihayag ng Quezon Provincial Health Office na pumalo na sa anim ang bilang ng mga nasawing katutubong Dumagat dahil sa diarrhea sa bulubunduking barangay na Lumutan sa bayan ng General Nakar sa Quezon Province.

Ayon kay Quezon Provincial Health officer Dr. Kristine Villaseñor, noong September 26 ay naitala ang unang pasyente na dead on arrival sa Rural Health Unit ng Tanay, Rizal, habang noong September 29 naman ay may nadagdag na limang namatay.

Sinabi ni Villaseñor na nagtungo na ang team ng Provincial Health Office, Gen. Nakar Rural Health Unit at Southern Luzon Command (SOLCOM) ng Philippine Army sa Brgy. Lumutan at nagdala na ng tubig na maiinom at mga gamot.

Nagsagawa na rin ng medical mission sa lugar at tinuruan ang mga katutubong Dumagat ng tamang kalinisan.

Kung matatandaan, tumaas noong Martes ang bilang ng mga tinamaan ng diarrhea sa mga katutubong Dumagat sa bayan ng Tanay na pumalo na sa halos 70 na mga nagkakasakit sa mga Dumagat ng Sitio Nayon, Barangay Sta. Ines.

Hinihinalang sa kontaminadong water source gaya ng bukal ang dahilan ng pagkakasakit ng mga katutubong Dumagat. Nangyari ang pagkalat ng diarrhea kasunod ng pananalasa ng Bagyong Karding.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *