Comelec en banc, kumpleto na

Inihayag ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia na kumpleto na ang seven-member ng Comelec en banc matapos manumpa sa pwesto ang mga bagong talagang commissioners na sina Nelson Celis at Ernesto Maceda, Jr.

Pinalitan ni Celis si Aimee Torrefrancia Neri habang uupo si Maceda sa pwestong nabakante ni Garcia matapos itong maitalang chairman ng Komisyon at oras na makumpirma sila ng Commission on Appointments, tatagal sila sa pwesto nang halos pitong taon o hanggang 2 February 2029.

Ayon kay Maceda, mahalaga ang trabaho nila sa Komisyon dahil hindi lang aniya demokrasya ang nakasalalay kundi pati na rin ang kalayaan.

Sang-ayon rin siyang naging matagumpay ang 2022 national at local elections pero hindi dapat magpahinga ang Komisyon at kailangan pag-ibayuhin pa ang trabaho at kabilang rin sa isusulong ni Maceda ang paglilinis ng voter’s list.

“Every time that we fail in our duties, it’s not just democracy that loses because it is our very freedom that hangs in the balance,” sabi ni Maceda.

Naging election lawyer si Maceda, nagturo ng election law, administrative law at constitutional law, naging Dean ng College of Law ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at naging Unibersidad ng Maynila President.

Anak siya ni yumaong Senate President Ernesto Maceda.

Si Celis naman ay beteranong Information Technology expert, practitioner at academician, naging Dean ng business school ng PLM at eksperto sa compliance sa data privacy, information and security management at iba pa.

Bilang presidente ng Philippine Computer Society noon, naging bahagi siya ng advisory council na nagpayo sa Comelec para sa automated elections.

Nagsilbi rin siyang lead consultant ni dating Comelec Commissioner Resurreccion Borra.

Ni-reappoint siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ma-bypass ng CA.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Celis na isusulong niya ang pagpapa-ibayo ng digitalization sa halalan at sa Comelec.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *