Sen. Villar, kinastigo ang DENR

Kinastigo ni Senadora Cynthia Villar ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil itinuloy umano nito ang reclamation projects sa Manila Bay.

Sa pagdinig ng 2023 budget ng DENR nitong Martes, tinanong ni Sen. Nancy Binay ang estado ng Manila Bay dolomite beach at ang reclamation area sa Manila Bay dahil mula kasi umano sa kanyang opisina sa Senado ay makikita na may mga barko na naghuhulog ng buhangin.

“Parang si President Duterte I think it was 2019 or 2020 he said there is moratorium on the reclamation sa may Manila Bay but kasi sa may office ko ang view ko ay yung Manila Bay and everyday parang may nakikita ho akong barko doon na naghuhulog ng buhangin and I was just in the office of our Senate President, doon po sa view niya may area na may island na,” sabi ni Binay.

Paliwanag naman ni DENR Usec. Atty. Jonas Leones, wala nang gagawin sa dolomite beach dahil natapos na ang proyekto.

Hinggil naman sa reclamation project, sinabi ni DENR Secretary Maria Antonia Loyzaga na mayroon nang 21 nabigyan ng environmental compliance certificate (ECC) na para umano sa reclamation mula Cavite hanggang Navotas.

“It appears po that the moratorium was not in effect when these ECCs were actually granted,” saad ni Loyzaga.

Dito na uminit ang ulo ni Villar at napamura noong napag-usapan na ang reclamation project at ECC sa Cavite.

Tinanong niya si DENR Director for Environmental Management Bureau Engr. William Cuñado sa mga partikular na lugar sa Coastal Road sa Cavite na may ECC na.

“Itong Coastal Road, Madam chair, 846 hectares… In Cavitex, Madam chair. Cavite,” aniya.

Pero hindi nagustuhan ni Vilar ang sagot ng opisyal.

“Saan ang Cavitex? Ang laki ng Cavitex. Cavitex starts Parañaque, umikot papuntang Cavite. So saan to? Ako wag nyong gagawin sa akin yan. ***** niyo. Dumating ka dito galing ka sa Cebu, ginulo mo kaming lahat,” anang senador.

Sabi pa ni Villar, noong naghi-hearing ang DENR para sa mga reclamation projects ay itinago pa sa kanya at hindi pinadalo sa pagdinig.

Ayaw ni Villar pumayag sa reclamation dahil una nang sinabi sa kanila ng noo’y DPWH Secretary Rogelio Singson na babahain ang Las Piñas ng may taas na 3 palapag dahil walang lalabasan ang tubig.

“Ano ba yan? Ang kapal naman ng mukha niyo. Alam niyo nang babaha kami ng katakot-takot, ayaw niyo pang tigilan yan,” she said.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *