Nakakahiya

Nitong nakaraan ay napabalitang nabudol umano ang isang miyembro ng K-pop group na Seventeen na si Joshua Hong nang sumakay ito ng isang taxi sa Maynila.

Kumalat ang balitang ito sa social media at naibalita na rin ito at siyempre, nagdulot ito ng sandamakmak na debate, usapan at kuro-kuro kaugnay sa nangyari.

Sinabi ni Joshua na siningil siya ng mahigit P1,000 ng isang taxi driver at nalamang tatlong beses itong mas mataas sa presyo sa metro.

Iginiit naman ng K-pop star na hindi niya sinasabing masama bumisita sa Maynila, at sinabing maaaring mangyari ang mga nasabing insidente kung hindi pinaghandaan nang maayos ang kaniyang bakasyon.

May ilan kasi na nagagalit sa nambiktima sa K-Pop star at isinabing ipinapahiya ang bansa dahil sa mga ginagawang kabulastugan ng iilan.

Maging ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang umano’y pang-aabuso ng ilang PUV drivers gaya ng ng taxi, sa labis na paniningil ng pamasahe sa kanilang mga pasahero.

“Kailanman ay hindi katanggap-tanggap sa LTFRB ang ganitong panloloko ng mga PUV drivers sa kanilang mga pasahero – lokal man o dayuhan,” sabi ng LTFRB sa isang pahayag.

Nagpaalala rin ang ahensiya sa mga PUV driver at operator na sumunod sa mga alituntunin at polisiya o mapaparusahan kapag nahuling lumabag.

“Pinapaalala ng LTFRB sa mga PUV driver at operator na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensya upang mapabuti ang pagseserbisyo sa publiko. Ang sinumang mahuhuling lalabag sa mga ito ay papatawan ng karampatang parusa tulad ng pagbabayad ng multa at pagkansela ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC),” saad ng LTFRB.

Hinikayat din ng ahensiya ang publiko na ipagbigay-alam sa kanila ang mga ganitong insidente.

Sana naman ay hindi na maulit ang mga ganitong klase ng insidente, dahil talagang magkakaroon ng bahid ito sa imahe ng ating bansa.

Nakakahiya naman kung sakaling maisip ng mga turista sa bansa na ganoon din ang aabutin nila kapag gumamit sila ng mga pampublikong sasakyan.

Huwag naman sanang umabuso ang ilang mga drayber ng pampublikong sasakyan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *