PAGHAHANDA SA UNDAS, PUSPUSAN NA

Naglabas na ang local government ng Maynila ng mga panuntunan na ipatutupad sa paggunita sa Undas sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.

Ayon sa abiso ng Manila Public Information Office, simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 ay hindi papayagang makapasok sa mga nabanggit na sementeryo ang mga hindi bakunado kontra COVID-19.

Dagdag pa nito, hindi na rin papayagang makapasok ang mga batang edad 12 taong gulang pababa.

Sinabi ng city government spokesperson Priscilla Marie Abante na kailangan magpakita ng vaccine card o ano mang katibayan na fully vaccinated ang isang tao bago ito makapasok sa sementeryo.

Ayon pa sa kanya, kailangan ding maghanda umano ng ID ang mga pupunta na may kasamang bata o ano mang dokumento na magpapatunay na hindi ito 12 taong gulang pababa.

Bukod dito, bawal magdala ng alcoholic beverages o nakalalasing na inumin, flammable materials, baril at mga matutulis na bagay tulad ng knife, cutter at iba pa.

Bawal ding ipasok ang ano mang uri ng sasakyan.

Bawal ding magdala ng videoke o sound system na maglilikha ng malakas na ingay habang hindi rin papayagang magsugal sa loob ng mga nabanggit ng sementeryo.

Hanggang Oktubre 25 lang din umano ang paglilinis, pagpipuntura at renovation ng puntod.

Pansamantala namang nakasara ang interment operations simula October 28 pero muli itong magbubukas sa November 3.

Ang mga main gate ng Manila North Cemetery at Manila South Cemetery ay bukas mula alas-5 ng madaling araw hanggang alas-5 ng hapon simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.

Kasado naman ang security plan ng Manila Police District.

Ayon kay MPD spokesperson Police Maj. Philipp Ines, mayroong nasa 700 MPD personnel ang idedeploy ng October 31. Sa Nov. 1 and Nov. 2 naman nasa 1,500 pulis ang maaatasan magbantay.
Paalala rin ng MPD na bawal magdala ng patalim, baril, at ano mang matutulis na bagay.

Bawal din ang flammable materials, alak, mga bagay na lumilikha ng malalakas na ingay at bawal ding magsugal.

Hanggang Oktubre 25 papayagang maglinis, magpintura at magrenovate sa mga puntod.

Ihihinto naman ang mga libing at cremation mula Oktubre 28 at ipagpapatuloy ito sa Nobyembre 3.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *