DAYALOGO SA PAGITAN NG PNP, MEDIA HINIHILING

Inihayag ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) nitong Lunes na isang dayalogo o pag-uusap sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at media ang nakikitang solusyon kaugnay ng kontrobersyal na pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang miyembro ng media.

Sinabi ni KBP President Herman Basbaño, dapat idaan na lang sa dayalogo ang usapin sa seguridad ng mga taga-media at dagdag niya, talagang alanganin ang ginawang pagbisita ng mga pulis sa bahay ng ilang taga –media.

Ito umano ang dahilan kaya dapat aniya na mapag-usapan ito para makabuo ng mekanismo para sa proteksyon ng media.

“Parang alanganin yun kasi. Tapos biglaan lang, hindi mo malaman may pupunta sayo, hindi mo naman masigurado kung member ng PNP natin yan,” sabi ni Basbano.

“Talaga may coordination, the best talaga ay siguro idaan sa media entity o sa media office, maybe sa broadcast, maybe sa print o online na mga media group na dapat diyan ang coordination ng mga kapulisan natin no kung hindi sa opisina sa media organization siguro,” dagdag pa niya. “Pero kung may threat talaga, of course kailangan talaga na direktang makipag-usap sa member ng media.”

Kung matatandaan, humingi na nang dispensa ang acting director ng Eastern Police District na si Col. Wilson Asueta sa kawani ng media na residente ng Marikina City na una nang binisita ng PNP.

Ayon kay Asueta, nais lang daw nilang masiguro ang kaligtasan ng media matapos ang pagpatay sa broadcaster na si Percival Mabasa o Ka Percy Lapid.

“May mga napuntahan na so merong nag-appreciate, meron ding nag comment. Well of course kung na parang kung privacy ang pinauusapan ah our apology na lang basta it’s not our intention to violate their privacy. Ang kailangan namin maging pro active lang kami sa PNP,” sabi ni Asueta.

Samantala, sinabi naman ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ipinatigil na nila ang pagbisita ng mga pulis sa tirahan ng mga miyembro ng media.

“Ipinatigil na po ito dahil nga po sa nangyaring pagkaalarma po ng mga kasamahan natin sa media, at sa ngayon ay magbabalangkas po ng mga specific guidelines kung paano nga po mas mapapaigting yung ugnayan natin sa mga kasamahan natin sa media without doon sa ika ngang tinatawag nilang there was an invasion of privacy,” sabi ni Fajardo.

Sinabi din ni Fajardo na nananatili silang bukas sa mga suhestiyon ng media kung paano sila mapoprotektahan nang may nananatiling paggalang sa kanilang karapatang pantao.

Ayon kay Fajardo, ang utos na bisitahin ang mga miyembro ng media para sa umano’y threat assessment ay nagmula sa pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Idiniin din niya na wala silang hawak na listahan ng mga address ng mga empleyado ng media sa buong bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *