Surge fee, dapat ba?

Ngayong hindi na naman nagpapapigil ang pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa, nanunumbalik na naman ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayang drayber ng mga pampublikong sasakyan.

At kahit pa nagpatupad na ng dagdag-singil sa pasahe nitong nakaraan lamang, pakiramdam ng ating mga drayber at operators na hindi pa rin ito sasapat o makakadagdag sa kanilang kita dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Iba’t ibang mungkahi na rin ang inilalatag ng mga grupo ng pampublikong transportasyon gaya ng dagdag-pasahe pa uli, pagbibigay ng pamahaalan ng panibagong ayuda at iba pa.

Ang isa sa mga mungkahi ng mga grupo ng tsuper sa bansa ay ang paniningil ng “surge fee” tuwing rush hour.

Ayon kay Pasang Masda president Obet Martin, hiling nila ang dagdag P1 pasahe tuwing 5 a.m.-8 a.m., at 5 p.m.-8 p.m. at ang surge fee umano ay para makatulong sa mga drayber para sa kanilang karagdagang kita.

“Kung matatandaan natin, about 3 weeks ago nag-rollback nang P2 nung unang linggo, pangalawang linggo P1.50, pangatlo P4. Noong ikaapat na linggo, last week, tumaas pang P7. Antimano nahatak na rin yun P4 na ini-rollback,” sabi ni Martin.

Paliwanang pa niya, kalahati na ng mga kinikita ng drayber ang nawawala dahil sa pagsipa ng presyo ng gas.

“Yung kinikita po namin na P500, nabawasan po ito nang P250-300. Bakit? Simple lamang ang computation namin: P10 po ang itinaas. Ang konsumo po ng maiksing biyahe, ng diesel ay nasa 20-25L. So P20 po, P200 na po kaagad ang nawala,” dagdag pa niya.

Pero tutol naman ang ilang transport group sa hiling ng Pasang Masda na isinaalang-alang ang kapakanan ng mga commuter.

Nirerespeto man ng grupong PISTON ang hirit na surge fee, umaalma sila dahil bukod sa magdulot ng kalituhan sa mga commuter ay mahihirapan din sila dahil sa tumataas na presyo ng bilihin.

“Ang analisa namin in general eh isa yan sa mahihirapan yung mga commuter natin dahil sa kadadagdag lang sa taas ng pamasahe tapos idadagdag pa yun,” sabi PISTON Secretary-General Ruben Baylon.

“Pangalawa mayroong kalituhan diyan dahil hindi natin alam kung hanggang kelan ang rush hour sa umaga at hapon kay magki-create ng isang kondisyon ng kaguluhan sa panig ng mananakay at driver,” dagdag niya.

Parehong makatwiran ang mga pananaw ng dalawang transport group, subalit kailangang pag-aralan pa ring mabuti ang mungkahing ito, dahil ang bottomline kasi, ang publiko pa rin ang magdudusa dahil halos lahat ng presyo ay nagtataasan na.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *