Walkthrough sa imbestigasyon, isinagawa

Matapos lumutang ang umano’y gunman sa pagpatay sa beteranong radio broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid, nagsagawa na ng walkthrough ang mga pulis sa mga kalsadang dinaanan ng mga suspek at sa mismong lugar kung saan pinagbabaril ang mamamahayag.

Nagkita na rin sa unang pagkakataon ang suspek na si Joel Estorial at kapatid ni Percy Lapid na si Roy Mabasa dahil kasama ang dalawa sa isinagawang walkthrough ng pulisya.

Unang pumasok ang convoy ng mga pulis sa BF Resort Village at dumiretso sa Lalaine Bennet Street kung saan nag-surveillance umano ang mga suspek. Pumasok din ang mga pulis sa Sta.Cecilia Village at muling lumabas sa Alabang-Zapote Road.

Sinabi ni SPD director Police Brig. Gen. Kirby Kraft na hiniling mismo ni Mabasa ang walkthrough upang maikumpara ang mga sinabi ni Estorial sa mga kuha ng CCTV.

“Itinuro ng suspek ang mga lugar kung saan sila tumambay at sinundan ang biktima. Kasama po natin ang representative ng pamilya ng biktima, ang kanyang kapatid na si Roy Mabasa,” saad ni Kraft.

Nagpasalamat naman si Mabasa sa pagpayag ng SPD at Las Piñas Police na magsagawa ng walkthrough.

“Tayo ay nagpapasalamat sa kagawaran ng ating pulis sa kanilang ginagawang hindi lang imbestigasyon, ito ay magli-lead na sa mismong proper ng kaso sapagkat positively, we were able to indentify the gunman,” sabi ni Mabasa.

“Naniniwala tayo na sa pakikipagtulungan nitong suspek, yung sinasabing gunman, ay magkakaroon ng resolusyon itong kasong ito at ibinahagi nga natin kanina kay PBGen. Kraft na ang resolusyon ng kasong ito ay isang napakalaking breakthrough para sa paglaban sa pamamaslang sa media,” dagdag pa niya.

Nailarawan din umano ng maigi ng suspek ang mga ginawa nito ilang araw bago ang petsa ng pagpatay kay Lapid. Malaking bagay din umano ang pakikipagtulungan ng sumukong suspek.

“Nawa ay magtuloy-tuloy ito at atin pong pinapasalamatan ang Philippine National Police sa kanilang napakagandang trabaho,” pasasalamat ni Mabasa.

Pero kahit nagpasalamat, hindi pa rin umano kumbinsido ang kapatid ni Percy Lapid.

“I have to admit to you, not 100%, alam mo kung bakit, dahil may pagbabago yung tao. Nagpagupit pala hindi ko alam. Doon sa unang footage na kinuha ng PNP, medyo mahaba pa yung buhok, pero ngayon, nagpagupit pala,” sabi ni Mabasa.

“Nevertheless, I want to emphasize na maganda yung naging usapan namin nung suspek, nung alleged gunman. Very plenty, very meaty, at saka ang importante dun, nahingi natin yung cooperation niya,” dagdag niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *