Surge fare sa PUV’s tama ba?

Medyo napaisip po tayo mga Katribu sa panukalang magkaroon ng surcharge fare during rush hours sa mga pampasaherong dyipni sa Metro Manila kasi parang hindi maganda ang tunog nito sa mga mananakay.

Ang matindi pa ay tila sang-ayon dito si Transportation Secretary Jaime Bautista sa pagsasabing ang surge fare ay isang “logical request.”

Parang hindi maganda ang tindigang ito kasi ang mga sumasakay sa papaseherong dyipni ay ang mga mahihirap na mamamayan, yung arawan ang suwelduhan, mga estudyante kumbaga budgeted ang kanilang dalang pamasahe araw-araw.

Hindi iyan katulad ng mga TNVs, grab taxi, angkas at iba pa kung saan ang mga pasahero niyan ay kumikita ng above sa minimum wage kumpara sa mananakay ng dyipni.

Hindi ko po malasahan ang ideyang ito ng maigi kasi sa aking palagay ito ay anti-poor.

Sana naman ay pinag-isipang maigi ng ilang transport groups ang ideya bago sila nagsampa ng petition sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung hinihingi nila ang fare surcharge na P1 sa jeepneys at P2 para sa bus mula 5 hanggang 8 ng umaga at 4 to 8 ng gabi daily, except Sundays and national holidays.

Baka nakakalimutan nila na katataas pa lamang ng pamasahe ng dalawang piso at ngayon ay hihingi na naman sila ng dagdag samantalang ang sweldo ng ating mga manggagawa ay hindi naman tumataas pa at kailangan pang mag-rali ang mga ito para lamang iparating ang hinaing sa mga employer.

Pakaisipin po nating mabuti ang mga panukalang ganito kasi ang mga tao ay nagrerekober pa lamang sa pandemya at karamihan sa kanila ay nagsisimula pa rin lamang sa kanilang trabaho.

Naiintindihan po natin na mataas ang presyo ng langis pero hindi tamang sa mga maliliit na mamamayan pigain ang pampuno sa kita nila dahil sa ito ay magiging dagdag na pahirap sa kanila.

Bakit hindi na lang mag-isip ng paraan para ang presyo ng petrolyo ay medyo masolusyunan ng sa gayon ay hindi naman tamaan ng husto ang mga mananakay?

Dapat itong si Secretary Bautista ay isama sa pag-aaral na sinasabi niya ang mabigyan ng tamang sagot para mabawasan ang impact ng presyo ng langis sa sector ng transportasyon.

Nabanggit po natin iyan dahil sa sinabi niya na, “Actually pag-aaralan pa po ulit ‘yan ng LTFRB,” sa 121st anniversary ng Philippine Coast Guard.

Tandaan po natin na mas marami ang naghihirap at hindi lamang pamasahe ang kinakaharap nina Juana at Juan kundi ang pang-araw-araw na gastusin sa pagkain, kuryente, tubig at iba pang pangangailangan. Paano nilang mapagkakasya ang kakarampot na minimum wage kung mayroong panibagong pabigat sa kanila?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *