Ang pagkakasakit pala ng nag-aalaga sa kanya ang nagtulak sa aktres na si Janine Gutierrez na pasukin ang mundo ng showbiz dahil nais niyang maipagamot ang kanyang yaya na nag-alaga sa kanya simula noong ipinanganak siya.
Aminado ang dalaga na isa iyon sa nag-motivate sa kanya para mag-artista tulad ng kanyang mga magulang na sina Lotlot de Leon at Ramon Christopher.
Abot-langit ang naman pasasalamat ng dalaga kay Yaya Pat Espera dahil sa pagmamahal at pagmamalasakit nito sa kanilang pamilya sa loob ng mahabang panahon. Hindi rin daw matatawaran ang loyalty nito.
Nasorpresa si Janine nang magpakita si Pat sa “Magandang Buhay” nang mag-guest siya sa isang episode ng nasabing programa. Dito sinabi ng aktres na pangalawang nanay na ang turing niya rito.
“Si Yaya po kasi hindi pa ako pinapanganak siya na po ‘yung yaya ko. So talagang second mommy ko talaga si Yaya. Tapos nu’ng nag-aaral ako tinuturuan niya ako ng homework. Regalo niya sa akin mga dictionary,” sabi ni Janine.
“Kahit siyempre may mga times na mahirap ang buhay, hindi kami iniwan ni yaya. Actually, mahiyain talaga ako. Hindi ko naman inisip na mag-aartista ako, pero nu’ng college ako, si yaya ay nagkasakit. Tapos parang hindi ako makatulong. So sabi ko sa mommy ko, ‘Ma gusto ko na mag-artista para may panggamot si yaya,” dagdag pa niya.
Kuwento pa ni Janine, cancer survivor ang kanyang Yaya Pat.
Ayon naman kay Yaya Pat, nang malamang meron siyang cancer, ang unang inalala niya ay si Janine at ang mga kapatid ng aktres.
“Alam mo nu’ng sinabing cancer, sa doctor hindi ako umiiyak. Pero paglabas ko du’n sa pasilyo ng St. Lukes, umiiyak ako naisip ko kawawa naman ‘yung mga alaga ko baka kapag may ibang mag-alaga ano baka sigawan, baka apihin,” paliwanag ni Yaya Pat.