Matapos ang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakatutok na ngayon ang mga Pilipino sa Belgium at umaasa ang mga tagasuporta ng Pangulo sa Belgium na tuluyan nang magkakaisa ang mga Pilipino, kahit pa nga iba ang sinuportahang kandidato noong eleksyon.
Kaya sa kanilang unity celebration bago ang SONA, gumamit sila ng iba’t ibang kulay ng mga lobo bilang tanda ng pagkakaisa.
May mga umawit din at nagpamalas ng katutubong sayaw, tanda raw ng pagkilala ng Pangulo sa mga indigenous people.
Inaasahan nila na pagtutuunan ng pansin ng bagong administrasyon ang agrikultura, elektrisidad, telecommunications, at mga pabahay para sa mga mahihirap.
Pero mayroon ding pumuna sa SONA ng Pangulo at nakulangan sa mga plano ng bagong administrasyon.
May puna rin sa pagbabalik ng mandatory ROTC.
Patuloy namang nakatutok ang mga Pinoy sa Belgium sa mga susunod na plano at aksyon ni Pangulong Bongbong Marcos, lalo na sa mga binitawan niyang pangako sa SONA, na may malaking epekto sa ordinaryong Pilipino, maging sa OFW.