Habang nalalapit na ang pagbabalik sa klase ng mga estudyante sa Agosto 22, nananawagan pa rin ang ilang transport groups sa pamahalaan na buksan na ang mas maraming ruta para sa mga jeep at iba pang pampublikong sasakyan.
Ang panawagan ay kasunod ng desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na buksan ang higit 100 dating ruta bago ang muling pagbubukas ng klase ngayong buwan.
Ayon kay ACTO national president Liberty de Luna, hindi pa rin umano masyadong nakalalabas ang ilang mga tsuper upang bumiyahe dahil unti-unti pa lamang ang kanilang pagbiyahe bunsod na rin sa pagtaas ng presyo ng krudo noong mga nakaraang linggo.
“Kaya sana nga po nanawagan po ako sa ating bagong LTFRB Chairwoman (Cheloy) Garafil na sana po mabuksan na po lahat, mailabas na po yung lahat ng QR codes ng ating mga sasakyan,” sabi ni De Luna.
“Talagang hindi pa ho kami nakakabangon sa gutom, sa hirap, na naransan natin sa COVID-19,” dagdag niya.
Kung matatandaan, tiniyak ng Department of Transportation na sasapat ang mga pampublikong sasakyan para sa mga estudyante sa harap ng planong pagbabalik ng full face-to-face classes sa Nobyembre.
Pero ayon kay LTFRB chairperson Cheloy Garafil, kailangan lang mag-apply ng bagong prangkisa para muling makapasada sa mga dating ruta at hinihintay din niya umano ang LTFRB ang pag-apruba sa rekomendasyong dagdagan ang mga bus sa EDSA Bus Carousel.
Ayon kay Garafil, dalawang linggo na lang ang hindi nababayaran sa mga bus operator na kasama sa libreng sakay.
Samantala, naghahanda na rin ang Pasig River Ferry Service ng Metropolitan Manila Development Authority sa pagdagsa ng mga estudyante sa pagsisimula ng pasukan.
Marami kasi sa mga sumasakay sa ferry service ay mga estudyante at nagtatrabaho sa mga paaralang sakop ng university belt.
Mula 6 na ferry, gagawin itong 9 sa katapusan ng Agosto para mas marami ang ma-accommodate na mga estudyante, ayon kay Irene Navera ng PRFS.
Kailangang mapag-isipang mabuti ng pamahaalan ang mga hakbang na kailangang gawin upang masigurong magkakaroon pa rin ng kabuhayan ang mga tsuper sa bansa. Hindi biro ang hinaharap na problema ng ating mga tsuper dahil bukod sa may pandemya pa rin, nandiyan pa rin ang banta nang pagtaas ng presyo ng krudo.