Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Martes na aabot sa 156 na kalsada sa Metro Manila ang naitalang may lubak nitong tag-ulan.
Ayon sa mga awtoridad, aabot sa 12,000 square meters ang lubak na naitala sa Metro Manila nitong mga nakaraang araw. Katumbas ito ng siyam at kalahating Olympic-sized na swimming pool.
Sa naitalang lubak, 80 porsiyento ang naisaayos na ng DPWH.
Ipinaplano ng DPWH na gumamit ng mas matibay na pundasyon para sa mga kalsada para hindi madalas ang pagkukumpuni nito.
Ayon sa ahensiya, mas magastos ito pero magtatagal nang 10 hanggang 15 taon, depende sa panahon at sa pagkakagamit.
Alam din nila ang nakukuha umano nilang batikos sa madalas ng pagkukumpuni ng kalsada.
“Unang una aware po kami sa batikos. bat po namin gagawin yun? Hindi po namin babakbakin yan hindi ire-replace ‘yan kung di naman kailangan. These are based on science, these are based on technical matters and investigation…. Damned if you do, damn if you don’t. Sanay kami sa ganoon, we want to be proactive on our actions kaysa po maging reactive kami,” sabi ni DPWH-Metro Manila director Engr. Nomer Canlas.
Pag-aaralan din kung paano mas maayos na maipapatupad ang pagtitimbang sa mga truck, na itinuturong isa sa mga dahilan sa madalas na pagkukumpuni ng kalsada.