COLEGIO DE SAN LORENZO, SARADO NA!

Ikinagulat ng Commission on Higher Education (CHEd) at ng Department of Education (DepEd) ang biglaang pagsasara ng Colegio de San Lorenzo (CdSL) sa Quezon City at maging ang mga estudyante at mga magulang ay nabigla rin sa pangyayari.

Ayon sa pamunuan ng CdSL, tuluyan na nilang isasara ang kanilang paaralan dahil sa pinansiyal na usapin bunga ng COVID-19 pandemic, at mababang bilang ng mga nag-enroll ngayong pasukan.

“With a very heavy heart, we would like to inform you that due to the financial instability and lack of financial viability brought about by the ongoing pandemic and exacerbated by consistent low enrollment turnout over the past years, the Board of Trustees has come to the painful and difficult decision to permanently close our educational institution, Colegio De San Lorenzo,” ayon sa inilabas na pahayag ng paaralan na naka-post sa kanilang Facebook page.

Aminado naman si CHEd chairman Prospero de Vera na sa tagal niya sa komisyon, ito ang unang pagkakataong may institusyong ura-uradang nagsara.

“Last week lang sila nakipag-usap sa CHED National Capital Region officials namin kaya kami rin ay nabigla kaya nagpatawag ako ng meeting kahapon at mamaya mag-uusap ulit kung ano ang puwedeng gawin para tulungan ang mga estudyanteng apektado,” sabi ni De Vera.

Ayon naman kay DepEd spokesperson Michael Poa, hindi sila maglalabas ng acknowledgment of closure sa kolehiyo hangga’t hindi natitiyak na nailabas na ang mga dokumento ng mga mag-aaral.

Dagdag pa ni Poa, isang pribadong paaralan sa Quezon City ang nagpahayag na handang sumalo sa Grades 11 at 12 students ng Colegio de San Lorenzo sa parehong matrikula.

Prayoridad ngayon ng kagawaran ang kapakanan at maayos na paglipat ng mga estudyante, at aaralin din kung may pananagutan ba ang nagsarang eskuwelahan.

Parehong may basic education at tertiary level ang Colegio de San Lorenzo.

Nabigla ang mga estudyante at magulang nang ianunsiyo ng kolehiyo na magsasara na ito noong Lunes, na dapat sana’y unang araw din ng pasukan.

Nauna nang tiniyak ng opisyal ng kolehiyo na ire-refund nito ang bayad ng mga estudyante at makakatanggap ng separation pay ang mga guro at iba pang kawani.

Samantala, sinabi naman ng CdSL na tutulungan nila ang mga estudyante na makalipat sa ibang paaralan at ipoproseso na mailabas kaagad ang kanilang records at credentials.

“We are also coordinating with a university of the same calibre for the possibility of transferring students who are willing to continue their education therein,” ayon sa pahayag na pirmado ng presidente ng Board of Trustees na si Mary Claire Therese F. Balgan.

Nitong nakaraang buwan, nag-anunsiyo rin ang Kalayaan College sa Quezon City, na titigil na rin sa kanilang operasyon pagkaraan ng 22 taon dahil sa patuloy na pagkalugi bunga ng kakaunting estudyante at epekto ng pandemic.

Nagsara din ngayong taon ang 107-year-old College of the Holy Spirit sa Mendiola sa Maynila dahil din sa usaping pinansiyal at epekto ng pandemic.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *