Delivery rider, natagpuang patay

Isang delivery rider na naiulat na ilang araw nang nawawala sa San Jose Del Monte, Bulacan ang natagpuang patay sa Tiaong, Quezon.

Sinabi ni PLtCol. Marlon Cabataña na hepe ng Tiaong Police Station, walang nakitang anumang palatandaan kung paano pinatay ang biktima na natagpuan sa Barangay Lumingon nitong Martes.

Wala rin umanong sugat o tama ng bala ng baril o kahit saksak, at wala rin palatandaan na sinakal.

Matapos ipost ng Tiaong Police sa kanilang Facebook ang larawan ng natagpuang bangkay, Isang Melody Coralde ang tumawag at positibo niyang kinilala ang natagpuang bangkay na ang kaniyang kapatid na si Melvin Bedania.

Ayon umano kay Coralde, delivery rider ang kaniyang kapatid na huling nakitang buhay sa San Jose Del Monte, Bulacan noong gabi ng Agosto 14, pero wala umanong natagpuang motorsiklo sa lugar kung saan nakita ang bangkay ng biktima.

Ayon kay Cabataña, base sa kanilang beripikasyon sa Norzagaray Police Station ay nasa drug watch list umano ang biktima.

Kinumpirma rin umano ito ng kapatid ng biktima sa mga imbestigador.

Sa ngayon wala pang matukoy na suspek sa krimen.

Sinusundo na ng Tiaong Police ang pamilya ng biktima sa Bulacan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *