Pamimigay ng ayuda sa Bacolod, naging magulo

Nawalan ng koordinasyon at naging sanhi ng gulo ang pamimigay ng cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Sabado sa Ayala Capitol Malls sa Bacolod City dahil nagkabalyahan, nagka-sigawan at muntik na ring magka-stampede sa entrance pa lang ng mall. Sa 4th floor naman kung saan namimigay ng pera, halos buong araw na nagkagulo ang mga tao.

Ang iba, alas-10 pa lang ng Biyernes ng gabi ay pumila na sa labas ng mall para makasegurong makakuha ng ayuda. Pero inireklamo nila ang umano’y kawalan ng sistema at walang humaharap para magpaliwanag.

“Kami po pumila ala-1 hanggang alas-2 hanggang ngayon pumila kami. Sige, pumila yung mga tao hanggang umabot ng libong-libo. Tapos nung 10 o’clock nag-declare sila, 650 lang daw ang iki-cater nila dahil walang budget, P3 million lang daw ang ibinigay,” sabi ng isa sa mga pumila para sa ayuda.

“Pero nung alas-5, alas-6 nung dumadami na ang mga tao, ni isa sa kanila ay walang nagsabi na cut off na.”

Ayon sa team leader ng DSWD satellite office sa Negros Occidental, namigay sila ng number sa naunang 700 sa linya sa north wing pero marami ang nagreklamo dahil nandun rin daw sila nakapila sa labas ng mall at nagbabantay pero hindi sila nakakuha ng number.

Dalawang beses din daw sila nag-ikot at nagpaliwanag sa mga tao pero hindi naman nila maisa-isa lalo na ang mga kararating pa lang.

Ang iba naman na buong araw nang nag-antay ay nag-request na sana ay bigyan na lang sila ng number para makabalik sa susunod na Sabado para hindi na sila matulog sa labas ng mall. Pero sagot ng DSWD “first come, first served” pa rin ang magiging policy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *