LGU, tutulong sa pamimigay ng ayuda

Matapos ang pagdasa ng mga magulang at estudyante sa mga tanggapan ng Department of Social Welfare and Development para makuha ang ayuda, sinabi ng ahensya na tutulong na ang mga local government units sa pamamahagi ng educational cash assistance.

Ayon kay Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, pinaplantsa pa ngayon ng DSWD at Department of the Interior and Local Government ang magiging sistema ng pamamahagi at dagdag niya, tiyak umanong sa mga itatalagang lokal na pamahalaan na gagawin ang payout.

Ayon kay Tulfo, hindi dapat mangamba ang mga hindi pa nakakakuha ng ayuda dahil may pondo pa para sa kanila at hanggang Setyembre 24 pa ang payout.

“Gusto po namin ilapit na itong educational assistance sa mga bata sa bawat bayan, sa bawat lungsod ng ating bansa. Para hindi na sila magkandarapa sa pila at mag-unahan sa tanggapan ng DSWD,” saad ni Tulfo.

Dagdag pa niya, iniwasan nila noong una ang favoritism na inirereklamo kaya sila na ang mismong namahagi ng ayuda at ang problema umano ay dumagsa rin sa mga tanggapan ng DSWD ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na hindi naman dapat kasama.

Sinabi ng kalihim na babawiin ang naibigay na educational assistance sa mga 4Ps beneficiaries noong Sabado at maaari umano itong gawin sa pamamagitan ng unti-unting pagkaltas sa payout ng 4Ps beneficiaries.

Halimbawa, kung tumatanggap umano ang benepisyaryo ng P3,000 kada buwan ay babawasan nila ng P500 o mas mababa pa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *