Nagsimula na nitong Lunes ang panibagong school year sa bansa kung saan maraming paaralan lalo na sa Metro Manila ang nagpatupad ng face-to-face classes kahit sa Nobyembre pa ang full implementation nito.
Kabilang sa mga paaralang nagbukas muli sa mga estudyante ay ang Parañaque National High School na isa sa may pinakamaraming bilang ng mga estudyante sa buong Asya.
Bago pa sumulpot sa bansa ang COVID-19, nasa 60 estudyante ang nagkaklase sa isang classroom sa paaralan pero hinati muna ito sa dalawang set para matiyak na maipatutupad ang social distancing sa harap ng patuloy na pandmeya.
Para matiyak na ligtas ang mga mag-aaral, sa gate pa lang ay pinapaalalahanan na sila tungkol sa pagsusuot ng masks at pagpapanatili ng physical distancing at required din ang mga estudyante na dumaan sa thermal scanner para sa temperature check.
Sa Camarin High School sa Caloocan naman na may pinakamaraming estudyante sa lungsod, hinati rin sa dalawang shift ang klase: isa mula umaga hanggang tanghali at tanghali hanggang gabi.
Aminado naman ang principal ng paaralan na hamon pa rin ang congestion sa mga silid-aralan, lalo’t nasa 1:50 ang ratio ng guro at estudyante.
Sa Dinalupihan Elementary School sa Bataan, full face-to-face classes na ang ipatutupad, kung saan bawat klase ay may 35 hanggang 45 estudyante.
May footbath, alcohol station at temperature-checking device sa labas ng bawat classroom, kung saan ipinatutupad din ang 1 metrong physical distancing sa pagitan ng bawat upuan.
May itinalaga ring medical officer ang lokal na pamahalaan para tumutok sa health and safety ng mga bata at magrekomenda ng mga hakbang sakaling may makitaan ng sintomas ng COVID-19.
Nauna nang inutos ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na dapat bumalik na sa full face-to-face classes ang lahat ng paaralan sa Nobyembre pero ayon kay Department of Education Spokesperson Michael Poa, 46 porsiyento ng mga paaralan sa buong bansa ang kaya nang mag-full face-to-face classes ngayong Lunes.
May 51.8 porsiyento naman ang magbe-blended learning habang 1.9 porsiyento lang ang mananatili sa full distance learning, sabi pa ni Poa.
Sa huling tala ng DepEd, umabot na sa 28,035,042 ang kabuuang bilang ng mga nag-enroll para sa School Year 2022-2023, mas mataas sa 27.5 milyong enrollees noong nakaraang taon.