Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin naibibigay sa ilang mga guro ang kanilang performance-based bonus na inaasahan nilang makakatulong sa kanila para sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay sa kabila ng pandemya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ni Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers president Shiela Manuel na Disyembre nang nakaraang taon pa nila dapat nakuha ito, pero hanggang ngayon ay naghihintay pa rin sila.
Kaya naman nananawagan na ng grupo sa pamahalaan na ibigay na sa kanila ang performance-based bonuses nila.
“Nanawagan po tayo sa ating bagong secretary sa Edukasyon, si (Vice President) Sara Duterte, na sana po ay mai-release na kaagad-agad ang performance-based bonus ng mga teacher. 2021 pa po yun eh, 2022 na po,” saad ni Manuel.
“Nabigyan na po ang halos lahat ng ahensya ng gobyerno, naiwanan na lang po ang hanay ng mga kaguruan,” dagdag pa niya.
Habang nananawagan para maibigay ang kanilang mga bonus, umaasa rin ang mga guro na mabibigyan pa sila ng dagdag na tulong mula sa pamahalaan.
Ayon kay Manuel, pumasok na sa kanilang ATM ang P5,000 allowance na ipinangako ng gobyerno pero kulang pa rin ito sa kanilang mga gastusin sa classroom.
“Kulang na kulang po. Bibili pa ang teacher ng pintura…siyempre yung iba pang pangangailangan sa loob ng classroom,” sabi ni Manuel.
“Kasi ‘di naman po sapat ang mga donasyon na ginagawa ng local stakeholders sa Brigada Eskwala. Lalong-lalo na po na pandemya,” dagdag niya.
“Kaya sana madagdagan pa po yung inirelease na cash allowance. Medyo nagkakagulo nga po sa hanay ng kaguruan dahil ang akala nila ay bukod pa yang cash allowance doon sa ibibigay na financial assistance ng Pangalawang Pangulong Sara Duterte.”
Ang mga ganitong klaseng panawagan ng mga guro – na itinuturing na ikalawang magulang ng ating mga mag-aaral – ay hindi dapat ipagsawalang-bahala dahil nagiging kawawa na ang sitwasyon nila.
Hindi rin dapat pabayaan ang ating mga guro na siyang humuhubog sa kaisipan ng ating mga kabataan bilang mga pag-asa ng bayan. Kung patuloy silang maghihirap, baka bukas-makalawa ay wala nang gustong maging guro dito sa ating bansa.