Diana Zubiri, nahirapang mag-artista

Nagbalik-tanaw ang aktres na si Diana Zubiri sa kanyang mga pinagdaanan noong nagsisimula pa lang siya sa showbiz at aminado siya na dumaan talaga siya sa butas ng karayom bago siya nagtagumpay.

Mula sa pagiging “reyna ng audition” hanggang sa pa-extra-extra sa mga teleserye at pelikula, nakilala nga si Diana bilang sexy actress noong kasagsagan ng kanyang kasikatan.

Sabi ni Diana, madalas siyang nagpupunta sa mga auditions pero hindi siya pinapalad.

“May nakita ako diyan, Channel 2, naalala ko mga audition ng Star Circle,” na ang tinutukoy ay ang dating tawag sa grupo ng aspiring artists ng Star Magic. Aaminin ko po, simula Star Circle 1 hanggang 10, ako po ay nag-apply, pero naligwak ang lola niyo, pero okay lang naman. Tapos talagang nanonood ako ng Apo Hiking Society. Pumipila ako sa harap ng ABS-CBN para maging audience. Tapos tumitigin-tingin ako sa hallway, ‘Sana ma-discover ako dito,’ may mga ganu’ng effect pa ako dati!” sabi ni Diana.

“Tapos hindi talaga ako natanggap. Kaya sabi ko, after ko ng high school, hindi na nga ako mag-aartista. Siyempre, nasiraan na ako ng loob, di ba, parang wala na akong pag-asa, kasi nga naman ang haba na ng audition ko,” dagdag niya.

Pati umano ang pag-e-extra sa mga programa ng ABS-CBN ay pinatos na niya.

“Naaala ko pa nga, nagta-talent ako. Yung meron kang suweldo, tatawid ka lang sa eksena.”

Isa sa mga pinagekstrahan niya noon ay sa 1998 Star Cinema comedy-horror movie na “Magandang Hatinggabi” starring Angelika dela Cruz at Jericho Rosales.

“Marami akong pinag-ekstrahan. Nanonood ako ng noontime show. Talagang sinisiksik ko yung sarili ko. Parang ganu’n ang pakiramdam ko that time. Pati mga VTR pinatulan ko na pero ligwak talaga ako,” sabi ng aktres.

Isang araw daw habang kumukuha siya ng visa para magtrabaho sa Japan ay may nakakita sa kanya at nagtanong kung gusto niyang mag-artista at lumabas sa mga pelikula ng Seiko Films, “Ang catch, magpapaseksi ako.”

Nu’ng una ay nagdalawang-isip siya pero nang payagan na nga siya ng kanyang nanay ay umoo na rin si Diana and the rest as they always say, is history.

Mas nakilala pa si Diana ng publiko nang mabigyan ng chance na mag-guest sa “Eat Bulaga” at naging semi-regular co-host pero ang talagang naging claim to fame niya ay ang kanyang controversial pictorial sa EDSA-Shaw para sa FHM Magazine noong 2000.

Ito nga ang naging daan para maging regular siya sa “Bubble Gang” at mapili bilang isa sa mga bida ng “Encantadia”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *