Ang pagpapatayo umano ng isang mega dike sa bayan ng Hagonoy sa Bulacan ang isa umano sa mga solusyon na makatutulong upang maiwasan na ang pagbaha doon lalo na tuwing umuulan.
Ayon kay Hagonoy East Central School principal Felicisima Manarang, ang dike ay maaari umanong magpahupa sa bahang nararanasan nila ngayon kung saan talagang hirap na ang mga estudyante lalo na at balik-paaralan na ang mga ito.
Dagdag niya, ang mega dike ang posibleng susi sa paghupa ng baha sa kanilang lugar, bukod pa sa dredging sa Hagonoy River na isinasagawa ng kanilang lokal na pamahalaan.
“Maaaring maging remedyo rin po dito, yung mega-dike dahil ang dike po ng Hagonoy ay napakatagal na panahon na, almost 20 years na, na hindi po siya naitataas o nagagawa,” sabi ni Manarang.
Dagdag niya, isa ang kanilang paaralan sa tatlong eskwelahan sa silangang bahagi ng Hagonoy na pinapasok ng baha at apektado ng high tide.
Kuwento pa ng punong-guro, tila apektado ang kanilang enrollment dahil sa paulit-ulit na pagpasok ng baha sa kanilang mga gusali.
Nanawagan si Manarang kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte para sa pagpapatayo ng bagong building sa kanilang eskwelahan.
“I would like to take this very chance to make a formal appeal, to ask help and support from our Vice President and Secretary, Hon. Sara Zimmerman Duterte, our Secretary of Education, to please include our school, Hagonoy East Central School for the construction of the new building, 2-storey po sana, para ang ating mga mag-aaral na nagshi-shift ng klase ay mailagay natin sa pormal na classroom this school year,” sabi ni Manarang.