Maghigpit pa ng sinturon

Kaliwa’t kanan pa rin ang nararanasang hirap ng sambayanan dahil bukod sa pandemya, nariyan na rin ang banta ng monkeypox at sumabay pa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at ng mga pangunahing bilihin.

Pero sa kabila nito, mukhang hindi pa rin tapos kalbaryo ng ating mga kababayan dahil bukod sa kontrobersya sa asukal na mayroon umanong shortage, nagbabanta na ring tumaas ang presyo ng asin.

Nitong Huwebes, inaprubahan na ng Department of Trade and Industry (DTI) na itaas ang suggested retail prices ng asin dahil ilan taon na raw hindi gumagalaw ang presyo nito.

Sa inilabas na bulletin noong August 12, 2022, inaprubahan ng DTI ang presyong P21.75 para sa 500 grams ng iodized rock salt, at P23.00 para sa one kilogram.

Sa iodized salt, ang SRP para sa 100-gram pack ay P4.50; habang P9.00 hanggang P11.75 sa 250 grams; mula P16.00 hanggang P21.25 sa 500 grams; at P29.00 sa one kilogram.

Ayon kay Undersecretary Ruth Castelo, anim na taon na ang nakalilipas nang huling gumalaw ang presyo ng asin sa bansa.

Nilinaw din niya na walang kakulangan sa suplay ng asin.

“On the issue of supply, we have sufficient supply kasi marami tayo… We have three or four large companies na gumagawa ng asin tapos meron pa tayong mga imported,” sabi ni Castelo.

Pero hindi lang diyan nagtatapos ang lahat, dahil nagsabi naman nitong Huwebes rin ang Department of Transportation (DoTr) na hanggang Disyembre na lang ang Libreng Sakay sa EDSA bus carousel dahil walang pondo na inilaan para rito sa susunod na taon.

Ito ay sa kabila ng pagpapakita ng interes ng mga miyembro ng House Committee on Transportation sa Kamara na ituloy hanggang sa susunod na taon ang libreng serbisyo.

Ayon sa DoTr, gumagastos ng P10 milyon hanggang P12 milyon kada araw ang ahensiya para sa programa, na nakakapagsakay ng higit 300,000 pasahero.

“Gusto ng mga members ng committee na pag-aralan yung possibility ng libreng sakay which is not part of our budget for 2023. Sinasabi ng mga members na dapat magkaroon ng another program for Libreng Sakay. So pag-aralan nating mabuti ‘yan, sabi nga namin wala ‘yan sa budget namin,” saad ni Transportation Secretary Jaime Bautista

Sinabi na rin ng ahensiya na unti-unti na nilang napupunan ang mga kailangang bayaran sa mga bus concessionaire ng EDSA bus carousel.

Matatandaang kamakailan ay nabigyan ng pondo na P1.4 bilyon ang ahensiya para palawigin ang programa mula Setyembre hanggang Disyembre.

Ngayong ganito na ang nagsusulputang balita, wala tayong magagawa kundi ang maghigpit na naman ng sinturon.

Sana lang ay makagawa na ng paraan ang pamahalaan upang masolusyunan ang lahat ng ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *