Baby nilibing nang buhay?

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang kakapanganak lamang na sanggol na ibinaon nang buhay sa lupa ng mismo umano niyang mga magulang nitong Linggo sa Negros Occidental.

Kasong infanticide ang posibleng kaharapin nina Cristel Haro (22) at Julius Caesar Valdevieso (23) pawang mga taga-Barangay Patic.

Ayon kay PCapt. Ryan Villasario, hepe ng Pulupandan Municipal Police, 10:00 pasado ng umaga nang natagpuan ng isang sepulturero ang sanggol na umiiyak.

Mabilis niyang ipinag-bigay alam sa mga awtoridad ang insidente na mabilis ding nakaresponde at dinala ang sanggol sa Pulupandan Health Center.

Ayon kay Dr. Joshua Vargas na umasikaso sa sanggol, buhay pa ang bata dahil may respiration pa ito.

Ngunit nangingitim na ito at halos at kulang sa oxygen. Namatay rin ito kinabukasan.

Napag-alamang nanganak si Haro sa loob lamang ng kanilang bahay pasado 6:00 ng umaga, ngunit, makalipas ang ilang oras, nakita umano nilang hindi na gumagalaw ang sanggol at akala nila ng kinakasama na baka patay na ito.

Mabilis nilang dinala sa public cemetery ang anak upang ilibing at doon pa lamang umano ay nakita na sila ng sepulturero na naghuhukay.

Nang tanungin ay sinabi umano ng mag-live in partner na ililibing lang nila ang fetus na nakabalot sa plastic at nakalagay sa loob ng karton.

Ilang oras ang lumipas nang makarinig ng iyak ng sanggol ang sepulturero mula sa nitso kung saan iniwan ang sanggol na inakala pa nitong fetus lamang noong una.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *