Nag-uwi ng panibagong karangalan para sa entertainment industry at sa buong Pilipinas ang aktres na si Jodi Sta. Maria nang makuha ang Best TV Adaptation award para sa Kapamilya series na “The Broken Marriage Vow” sa katatapos lang na ContentAsia Awards 2022.
Dumalo ang aktres sa ContentAsia Awards 2022 na ginanap sa Thailand nitong nagdaang Biyernes at talagang proud si Jodi sa nakamit na karangalan. Kasama niya ang producer ng programa na si Kylie Balagtas, at ang manager niyang si Biboy Arboleda.
“Masaya, as in super, kung manalo bonus. Kung ma-nominate ka panalo na talaga, pero kung manalo ka sobra-sobrang blessing na. We had a great time to and it’s so nice na ma-meet yung iba pang content providers all over Asia,” saad ni Jodi.
Pinasalamatan din niya ang Kapamilya Network, ang Team Viu at ang BBC na siyang nag-produce ng “Doctor Foster”, ang original version na in-adapt ng Pilipinas.
“Nakakatuwa kasi kung iisipin mo, panalo ito ng lahat, yung buong team…na pinangunahan ng aming direktor na si Connie Macatuno and Andoy Ranay. And of course, yung mga napakamagagaling na gumanap. Si Z (Zanjoe Marudo), si Sue (Ramirez), si Zaijan (Jaranilla) everyone na gumanap sa ‘Marriage Vow.’ Yung production team na hindi matatawaran yung effort na ibinigay nila. It really takes a village to produce such an amazing series,” sabi pa ng aktres.
Nominado rin ang aktres sa kategoryang Best Lead Actress para sa “The Broken Marriage Vow” kung saan nakalaban niya ang Thai actress na si Baifern Pimchanok na bumida sa “Tale of Ylang Ylang.” Si Baifern ang nag-uwi ng naturang award.