Hanggang ngayon ay nag-iisip pa rin ang ating mga kababayan kung paano ang gagawin ngayong patuloy na nagtataasan ang mga presyo ng bilihin sa bansa kasabay na rin ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Hindi na nga malaman ng ilan nating mga kababayan kung paano pagkakasyahin ang kanilang mga kinikita sa araw-araw habang ang ilang mga negosyante naman ay nag-iisip na rin kung paano pa sila makakabawi sa kanilang mga puhunan.
Ang mga negosyo gaya ng bakery ang isa sa mga pinaka-apektado ngayong mayroon umanong shortage sa asukal dahil kulang na umano ang supply nito bukod pa sa mahal na presyo,
Sa Balintawak market, bihira na ang mga tindahang nagbebenta ng asukal dahil sa mataas na presyo nito at ayon sa mga ulat, ang presyo ng putting asukal sa nasabing pamilihan ay pumapalo na sa P94-P100 pesos kada kilo pa rin, habang ang brown sugar naman ay nasa P68-P70 pesos kada kilo.
Bumaba naman ang presyo ng washed sugar na nasa P70-72 kada kilo mula sa dating P75.
May ilang mga nagbebenta ng asukal ang tumigil na rin sa pagtitinda ng puting asukal dahil ang dating P250 kasi na sako ng puting asukal na kuha nila noon sa kanilang supplier, tumaas na ngayon sa P280.
“Kasi po sa white sugar po nagtaas po sa isang sako, bale kapital namin mataas na talaga. Ang bentahan namin sa isang kilo P100 na po, tapos kalahati P50 pesos, tapos yung 1/4 P25 kaya yung ibang customer nagrereklamo na din,” ayon sa isang tindera.
Sa mga namimili, mas mabenta naman ngayon ang mga brown sugar na mabibili ng 1/8 kilo sa halagang P15.
Bukod sa asukal, isa rin sa binabantayan ngayon ng Department of Agriculture ay ang asin, pero wala pa namang inaasahang pagtaas sa presyo nito.
Nasa P10-15 pesos pa rin ang bentahan ng isang kilong asin dito sa Balintawak.
Paano pa kaya mareresolba ang ganitong mga klase ng problema?
Hirap na ngang makagalaw dahil sa pandemya, hirap na rin ang lahat dahil sa pagtaas ng presyo ng halos lahat nang pangangailangan ng mga Pinoy.
Pero wala naman magagawa dito, kaya ang panawagan na lamang, tiis-tiis muna.
Matatapos rin ang lahat.