Produktibo naman pala

Nabatikos nitong nakaraan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa “pagbabakasyon” umano ng Pangulo sa Singapore nitong nakaraang weekend.

Ayon sa ilang kritiko ng Pangulo, insensitive umano ang ginawa nitong pagpunta sa Singapore upang manood ng F1 races gayong humaharap sa iba’t ibang problema ang mga Pilipino.

Sinabi rin ng ilan na “unnecessary and irresponsible” ang “pagpasyal” umano ng Pangulo dahil nasa krisis ang ekonomiya ng bansa.

Pero giit ng Malakanyang, naging produktibo umano ang naging resulta ng pagbiyahe ng Pangulo dahil “pinagpatibay niya ang mga pangunahing usapan sa huling state visit sa bayan na ito, at pinatuloy ang paghihikayat sa pag invest sa bayang Pilipinas.”

Ayon pa kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, nakipag-usap ang Panguli sa mga heads of states, ministers at foreign dignitaries na naimbitahan sa nasabing event.

Sa isang social media post naman ng Singapore politician na si Tan See Leng, sinabi nitong masaya itong makadaupang-palad ang Pangulo at iba pang head of states na dumalo “to affirm our bilateral economic relationships and strengthen collaborations in energy cooperation as well as exchange views on manpower policies on the sidelines of the race.”

Si Tan See Leng ang minister for manpower ng Singapore at second minister for trade and industry.

Sa hiwalay na Facebook post, sinabi naman ni Singaporean Prime Minister Lee Hsien Loong na masaya siyang makita ang pagbisita ng mga nanood sa karera mula iba’t ibang bahagi ng mundo.

“It is yet another sign that we have emerged from the pandemic and are open for business,” sabi Loong.

Kabilang sa mga larawan na ipinost ni Loong ay sina Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos.

“Happy to link up again with friends from both here and abroad. They were excited to be here, to watch the race and enjoy the good company,” dagdag pa niya.

Kung tutuusin, wala naman sigurong masama kung magpunta kung saan-saan ang Pangulo dahil siya naman ang lider ng ating bansa, at kung sasabihin nilang ito ay isang oportunidad upang makakuha pa ng mga investors, we can take their word for it.

Wala naman tayong magagawa kundi hintayin na lamang kung ano ang magiging kahihinatnan ng mga sinasabing “productiveness” ng Pangulo sa kanyang pagpunta sa Singapore.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *