Busisiing mabuti

Nagiging isyu ngayon ang mga umano’y nakaambang reclamation projects sa Manila Bay matapos magkaroon ng ‘sagutan’ sa pagitan ni Senadora Cynthia Villar at mga opisyal Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong nakaraan.

Ang nangyari kasi,nagbitaw ng maaanghang na salita si Villar na chair ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change laban sa pagbibigay ng DENR Environmental Compliance Certificate sa reclamation project sa bahagi ng Manila Bay.

Napamura na nga ang senadora dahil magdudulot umano ang mga reclamation projects na ito ng matinding pagbaha sa Las Piñas.

Kaya naman binubusisi na ngayon DENR ang mga nakaambang reclamation projects sa Manila Bay at ayon kay DENR Secretary Ma. Antonia “Toni” Yulo-Loyzaga, magkaibigan pa rin sila ng senador.

“Nakita mo naman friends kami ni Sen. Villar ah. As I said during the hearing, the department is looking into the review of the reclamation policy talaga ng gobyerno as a whole,” sabi ni Loyzaga.

“We cannot make specific statements ngayon kasi each location talaga ay iba yung context ng physical environment of course also the social and economic na pangangailangan,” dagdag niya.

Nasa 21 reclamation projects sa Manila Bay ang pinag-aaralan ngayon ng ahensiya.

Ang maganda lamang dito ay parang “no hard feelings” sa pagitan ng senadora at ng DENR secretary dahil nitong dumalo sa isang event sa Taguig City sina Loyzaga at Villar ay nagkamayan pa sa kalagitnaan ng programa.

Pero siyempre, nanindigan pa rin ang senador hindi dapat ituloy ang pagtatambak ng lupa sa bahagi ng Manila Bay na sakop ng Las Piñas.

Wala pa umanong naging pag-uusap ang DENR at si Villar matapos ang hearing pero naniniwala siyang papanig sa kanya si Loyzaga.

“I’m not talking to them. They promised me that. They have to fulfill their promise… She will do something about it because she shares my advocacy. It’s not for me. It’s for the people of Las Piñas, Parañaque, and Bacoor,” ayon kay Villar.

Sana nga ay pag-aralan talaga ng DENR ang magiging epekto ng mga reclamation projects na ito, dahil siguradong makakaapekto ito sa mga residente lalo na sa kanilang kabuhayan kung totoo ang tinuran ng senadora na lulubog sa baha ang Las Piñas at ang ilang kalapit na lugar sa Cavite.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *