Herlene Budol, nabudol!

Dumulog sa tanggapan ni Senador Raffy Tulfo ang komedyana at beauty queen na si Herlen Budol upang humingi ng tulong dahil umano sa panloloko sa kanya ng dati niyang kaibigan at talent manager.

Personal na nagpunta si Herlene sa studio ng public service program ni Tulfo para ireklamo ang dati niyang manager na nagbibigay sa kanya ng mga raket at ipinakita niya sa senador ang mga ebidensyang magpapatunay sa mga binitiwan niyang akusasyon laban sa dating kaibigan.

Kuwento ng komedyana, nagsimula silang maging close ng dati niyang manager nang magkakilala sa mismong studio ng “Wowowin” noong co-host pa siya ni Willie Revillame.

“Wala kaming kontrata po. Kaibigan ko po siya, nagpatulong ako sa kanya na rumaket during pandemic kasi walang-wala na po akong trabaho. Sa kanya po ako lumapit. Naging kaibigan ko po siya sa Wowowin. Nagtiwala po ako sa kanya. Mama nga po ang turing ko sa kanya. Ako po ang lumapit sa kanya. Sinabi ko po sa kanya na, ‘Baka meron po kayong mga raket. Mag-cut na lang po sa akin ng komisyon.’ Kasi, walang-wala po ako noong pandemic. Isa po siya sa nagbigay ng mga raket,” sabi ni Herlene.

Ngunit dumating nga yung araw na nalaman niya ang ginagawa umano ng tinutukoy niyang manager kabilang na ang hindi pagbibigay ng tamang halaga ng talent fee sa kanya.

“Naging endorser po ako ng product. Tapos nu’ng unang araw ng photo shoot namin, nagkaliwaan na po sila ng bayad. Sabi niya, alam ko raw po. Pero sa akin po, hindi ko talaga alam dahil kung alam ko po yun, siyempre, kukunin ko na ang parte ko kasi pagod na pagod po ako nu’ng araw na iyon. Pero hindi po niya sinabi sa akin na bayad na po pala,” sabi pa ng dalaga.

Sabi ng dalaga, P200,000 daw ang talent fee niya para sa nasabing project pero wala raw siyang natanggap mula sa dating manager.

Kung hindi siya nagkakamali, more than P1 million raw ang kinita niya mula sa iba’t ibang product endorsements pero walang nakarating na pera sa kanya.

Bukod dito, naikuwento rin ni Herlene na hinihingan daw siya ng dating kaibigan at manager ng 30% commission mula sa talent fee niya sa mga TV guestings.

Ngunit ipinagdiinan niya na siya ang direktang kausap ng mga taong nasa produksyon na kumuha sa kanya kaya nagulat siya at hinihingan pa siya ng komisyon.

“Gusto lang din niya na dumaan sa kanya, tapos ang ending po, hindi ko po akalain na pati sa TV guestings ko, meron siya na kukuning komisyon. Ito po ang computation po niya. Yung pagpatira sa kanila, saka paghatid-sundo niya po sa akin. One thousand per day daw po for eight months. Sinisingil niya po ako. Saka yung driving lesson po. Yung kapatid po niyang pulis, tinuruan po ako. Isinabay lang niya po ako sa anak niya po na nag-aral magmaneho,” sabi ni Herlene.

“Saka yung pagtira ko po du’n sa kanila ng one to two months daw po. Parang ako pa po yung may utang sa kanya po,” dire-diretso pang sumbong ni Herlene.

Nang tawagan na ng staff ni Tulfo ang naturang talent manager para kunin ang panig nito sa mga naging pahayag ni Herlene, wala raw ito sa kanyang bahay.

Samantala, nabanggit ng resident legal counsel ng public service program ni Tulfo na si Atty. Garreth Tungol, pwedeng magsampa si Herlene ng qualified theft o estafa laban sa dati niyang manager.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *