Sahod, dagdagan!

Sa kabila ng selebrasyon ng World Teachers’ Day, nagprotesta ang ilang mga guro sa Maynila nitong Miyerkules upang muling ipanawagan ang dagdag-sahod para sa kanila at mga karagdagang benepisyo.

Ikinasa ng mga guro ang kanilang protesta sa Mendiola subalit pagdating ng mga guro sa Recto mula Morayta, hinarang na sila ng Manila Police District at sinabing hanggang doon na lang maaaring magtipon.

Ayon kay Vladimer Quetua, chairperson ng Alliance of Concerned Teachers Philippines, Setyembre 30 pa lang sumulat na sila sa Manila city government pero walang bumabang permit sa kanila.

Sinunod din naman ng mga demonstrador, kabilang si ACT Teachers Party-list Representative France Castro, ang mga pulis.

Paliwanag ni Quetua, bukas naman sila sa non-monetary benefits tulad ng health card at iba pa pero mas mahalaga ang salary increase dahil mapapakinabangan nila ito hanggang sa kanilang retirement.

“Ang kailangan ng guro ngayon, nag-abono kami ng dalawang taon. Nag-ambagan kami. Ang tanong namin sa gobyerno, ano’ng ambag ninyo sa pagkakaroon ng ligtas at de kalidad na eskwelahan lalo na sa pagbubukas ng full face to face classes sa November 2?” sabi ni Quetua.

Dagdag pa niya, nais nilang magkaroon ng benepisyo gaya ng sick leave o kaya dagdagan ang pinapayagang service credits na hanggang 15 lang sa ngayon dahil ito iyong pwede nilang gamitin bilang leave.

Sinabi rin ni Quetua na dalawang beses na silang nagpadala liham kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte at umaasa silang makatutulong ang paglabas nila sa lansangan upang mas maiparating ang kanilang mga hinaing.

Para naman kay Carl Ramota na dalawang dekada nang guro sa kolehiyo, higit sa mga mala-pistang programa, pagpupugay din sa mga guro iyong samahan sila sa kanilang mga apela para sa mas mabuting working environment para maipagpatuloy pa nila ang bokasyon.

“Kung nais nating kilalanin o bigyang pagpupugay ang ating mga guro, ang pinakamainam na pamamaraan nito ay samahan natin ang ating mga guro sa kanilang panawagan para sa salary upgrading, sa better working conditions,” sabi ni Ramota.

“At gayundin, samahan natin iyong mga kaguruan na ngayon ay kumakaharap ng iba’t ibang mga issue, katulad ng…iba’t ibang porma ng harassment, lalo na sa mga unyonista,” dagdag niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *