Pagguho ng construction site sa QC, iimbestigahan

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Quezon City Police District upang matukoy kung sino ang dapat managot sa nangyaring pagguho sa construction site sa Barangay Balingasa, kung saan isa ang nasawi habang 10 ang nasugatan.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing bumigay ang isang bakal na scaffolding noong Martes kaya nagkaroon ng domino effect, ani Corp. Myra Evangelista, ang pulis na may hawak ng kaso.

“Based sa victim na nasa Quezon City General Hospital, naglagay sila ng bakal sa scaffolding, bumagsak ‘yong isang bakal tapos domino effect,” sabi ni Evangelista at dagdag niya, nakadepende ang kaso kung may isasampang reklamo ang mga manggagawang nasugatan o pamilya ng namatay.

“Walang complaint ang mga workers pati ‘yong family noong namatay,” sabi pa niya.

Ayon naman sa isa sa mga nasugatang manggagawa na si Renante Mandac, wala siyang balak magreklamo dahil nagamot naman siya agad at maayos na ang kaniyang kalagayan.

Ayon kay Elmo San Diego, head ng Quezon City Department of Public Order and Safety, bandang alas-9 ng umaga nang mangyari ang insidente sa itinatayong extension ng affordable housing project ng lokal na pamahalaan sa Santo Kristo, Barangay Balingasa, malapit sa Balintawak.

Dagdag pa niya, tigil muna ang konstruksiyon sa lugar habang patuloy na iniimbestigahan ang nangyari.

“Iimbestigahan muna ‘yon kung ‘yong safety procedures, safety protocols, nasunod nila. Otherwise, pasu-suspend muna natin construction kung hindi nasunod mga regulasyon natin,” sabi ni San Diego.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *