PERSON OF INTEREST, NATUKOY NA!

Inihayag ng Philippine National Police na natukoy na nito ang posibleng gunman sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid nitong nakaraang Lunes.

Base sa isinagawang imbestigasyon, nakita sa isang CCTV footage na kuha sa harap ng Las Pinas City hall — na limang minuto lang ang layo mula sa bahay ng biktima — ang isang lalaking naka-pink na jacket na naglalakad-lakad sa Alabang-Zapote Road, na sinasabing gunman sa pamamaslang.

Sa dashcam video naman na nakuha sa sasakyan ni Mabasa, nahagip din nito ang sinasabing rider ng gunman na nag-aabang sa pagdaan ng sasakyan ni Mabasa. Pagdaan ng sasakyan ng biktima, tumayo ito at sumakay sa motorsiklo.

“Yung video na ipinakita kanina, makikita niyo yung t-shirt niya, yung marking ng t-shirt nag-match yan doon sa naka-angkas na nakuha ng dashcam sa likod ng sasakyan nung biktima a second before binaril yung biktima and also nakita doon sa video din,” saad ni Police Col. Restituto Arcangel, na commander ng task force na nakatutok sa kaso.

Aabot sa 18 CCTV footage ang sinuri ng PNP sa ruta ni Mabasa, at nakita roon kung paano sinundan ng mga salarin ang broadcaster.

Sa dashcam video, makikitang nakapila si Mabasa sa mga sasakyan papasok ng BF Resort. Dito umano nakakuha ng tiyempo ang mga salarin na tambangan si Mabasa at matapos ang pamamaril ay nag-u-turn ang mga suspek papatakas.

“May I just clarify na yung mga suspects ay hindi nakapasok doon sa BF Resort kasi nakikita niyo kung saan binaril, that is around 50 meters before doon sa gate. Nagkaroon ng traffic doon dahil tsinicheck yung mga sasakyan na pumapasok. Kapag walang sticker hindi pinapapasok. So nakita niyo binanatan ang biktima bago siya pumasok dahil that is his pre-determined area na alam niya na magkaka-traffic dahil may nagcheck sa gate,” saad ni Arcangel.

May iba pang CCTV footage na pinag-aaralan ang PNP pero minabuti na nilang ilabas ang imahe ng gunman para sa agarang pagkakahuli nito.

Ayon naman kay Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, lumalabas na bihasa ang gunman base sa mga video na kaniyang nakita.

“Itong taong ito is a professional hitman as you could very well through the evidence. Bago siya humabol, dalawang bala lang tapos sa ulo,” saad ni Abalos.

Ayon pa kay Abalos, may pabuyang aabot sa P1.5 milyon para sa sino mang makakapagbigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng mga salarin at mula umano sa negosyante at abogadong si Alex Lopez na kaibigan ni Lapid ang P1 milyon na pabuya.

Una nang nag-alok si Abalos ng P500,000 na pabuya para sa ikalulutas ng kaso.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *