Andrea Torres, natupad ang pangarap

Aminado ang aktres na si Andrea Torres na bata pa lamang siya ay talagang pangarap na niyang maging artista at ngayon ngang naabot na niya ang kanyang pangarap inalala ng dalaga ang mga pinagdaanan niyang mga matitinding pagsubok bago niya narating ang tagumpay.

Dumating na rin sa punto ng buhay niya na nagdalawang-isip na siya kung ipagpatuloy ang nasimulang showbiz career at ang lagi raw niyang tanong sa sarili noon, “Pangit ba ako, hindi ba ako magaling?”
Sa isang panayam, sinabi ni Andrea na dumaan din siya sa butas ng karayom bago niya naabot ang estado na kinalalagyan niya ngayon sa showbiz.

“Naku, bata pa lang ako, 6 years old pa lang ako nagbi-VTR na ako. Tapos lagi akong hindi natatanggap. Dinadamdam ko ‘yun talaga, as in!” sabi ni Andrea.

“Siyempre kapag bata ka iisipin mo, pangit ba ako, o hindi ba ako magaling? Tapos nagko-compare ka rin siyempre, ‘Bakit ‘yung iba lagi silang nakukuha?’ Parang hindi mo pa maintindihan na siyempre may certain look na hinihingi for a certain brand,” dagdag pa niya.

Pero hindi sinukuan ng dalaga ang kanyang pangarap at talagang lahat ng puwedeng puntahang audition ay pinapatos niya sa pagbabakasaling mabibigyan din siya ng chance na maipakita ang kanyang mga talent.

“Part na siya ng life ko talaga na school and then nagbi-VTR kapag weekends. Tapos dumating sa point na parang medyo bumaba na ‘yung self-esteem ko kasi nga lagi akong nare-reject. Memorize ko na ‘yung gagawin ko sa VTR, eh. Look to the right, to the left, ganyan,” sabi ni Andrea.

“Ang ginawa ko na lang, dahil sobrang interested ako, inaaral ko na lang ‘yung ibang nag-o-audition. Tapos ginagaya-gaya ko. Ang first project na nakuha ko, ano na ako nu’n, first commercial ko parang 18 na ako. Ang tagal, sobrang tagal talaga!” dagdag niya.

“May mga times na medyo nawawalan na rin ako ng lakas ng loob pumunta kasi nga parang nasa isip ko, alam ko na naman e, hindi na naman ako matatanggap, ganu’n. Pero alam mo, nandoon pa rin ‘yung pain every time, kahit na expected mo na. Nasasakatan ka pa rin talaga kapag hindi mo nakukuha,” saad pa ng dalaga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *