Bea Alonzo, malaki ang puso

Ibinahagi pala ng aktres na si Bea Alonzo sa apat na choices na humarap sa “Bawal Judgmental” segment ng “Eat Bulaga” last weekend ang napanalunan niyang premyo sa segment.

Nanalo kasi si Bea ng P50,000 matapos masagot nang tama ang mga ibinatong tanong sa kanya at sa halip nga na iuwi ang napanalunang cash, ibinigay na niya ito sa apat na choices na nakaharap niya sa nasabing segment ng longest-running noontime show sa bansa.

Sa nasabing episode, apat na ulila na sa magulang ang mga nakaharap na choices ng lead star ng Kapuso primetime series na “Start-Up PH.”

Sa unang round, kinailangang hulaan ng leading lady ni Alden Richards kung sino sa apat na choices ang ulilang lubos sa edad na 14 years old o mas bata pa.

In fairness, tama naman ang naging hula ni Bea kung kaya’t hindi nabawasan ang kanyang guaranteed money na P50,000. Hindi na nagkaroon ng round 2 dahil kinapos na sa oras ang programa.

Makikita naman sa mukha ng dalaga ang magkakahalong emosyon habang nakikinig sa mga kuwento ng apat na choices bilang mga ulilang lubos.

“Maraming-maraming salamat dahil pinag-guest niyo ako dito at narinig ko ‘yung mga istorya nila. At grabe ang bigat pero I have to say very inspiring din kasi sa kabila ng lahat ng mga pinagdaanan niyo, napakatapang at napaka-strong niyo na mga tao. Kitang-kita ko pa rin sa mga mata niyo ‘yung kindness kahit ang dami niyong hinarap na mga challenges sa buhay,” sabi ni Bea.

At bago magtapos ang “Bawal Judgmental” inihayag ni Bea na ibibigay na lamang niya sa mga choices ang napanalunang premyo para kahit paano’y makatulong siya sa mga ito.

“Dahil diyan gusto ko ring i-share ‘to sa inyo, para sa inyo ‘to hindi ito para sa akin,” sabi ni Bea.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *