Resolbahin agad

Ngayong unti-unti nang nagkakaroon ng progreso ang imbestigasyon sa pagpaslang sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid, nalalapit na rin makuha ng mga kapamilya at kaanak ng broadcaster ang hustisya sa kanyang pagkamatay.

At ngayon ay inaasahan nang mas mapapabilis pa ang pag-usad ng kaso nang maglabas ang mga otoridad ng isang larawan ng person of interest na may kaugnayan sa pamamaslang ng beteranong broadcaster.

Bukod pa rito, inihayag na rin ni House Speaker Martin Romualdez na nagkaroon ng kontribusyon ang mga kongresista na P5 milyon bilang pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon upang madakip ang pumatay kay Mabasa.

Kung matatandaan, Biyernes nang ianunsyo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brigadier General Jonnel Estomo ang P1.5 milyon na reward na ibibigay sa makapagtuturo sa suspek.

Ang P1 milyon ay galing umano sa “kaibigan” ng pamilya ng biktima, at P500,000 mula kay Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Romualdez na nababahala sila sa nangyari kay Lapid.

“The perpetrators and the masterminds behind this dastardly act must be brought to justice at all costs. Violence has no place in a civilized society like ours,” sabi ni Romualdez.

Dagdag pa niya, kailangang protektahan ang kalayaan ng mga mamamahayag sa pagsasalita at pagpapahayag.

Gabi noong Oktubre 3 nang tambangan sa Barangay Talon Dos, Las Piñas si Lapid. Patungo ang biktima sa kaniyang online broadcast program na “Lapid Fire” sa DWBL 1242.

Kailangan nang maresolba ang kasong ito upang matahimik na hindi lamang ang kaluluwa ni Mabasa kundi maging ang kanyang pamilya na umaasang mabibigyan ng hustisya ang nangyari sa kanilang kaanak.

Magiging basehan rin ito na talagang umaaksyon ang pamahalaan sa mga ganitong klaseng pagpatay sa mga mamamahayag at hindi na mababahiran pa ng kulay pulitika.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *