Hirap pa rin sa ‘matrix’

Kahit pa naaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag pasahe para sa mga pampublikong jeepney at buses, hanggang ngayon ay hirap pa rin ang ating mga drayber na magkaroon ng karagdagang kita.

Kasi naman, bukod sa biglang pagtaas na naman ng presyo ng diesel na umaabot sa lampas P6, nahihirapan rin ang ilang mga operators na kumuha ng bagong fare matrix online na kailangan upang makasingil ng taas-pasahe.

Ayon sa transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) nitong Martes, hanggang ngayon ay hindi pa rin umano naaayos ang mga fare matrix.

“Sa ngayon hindi pa rin naaayos halos lahat ‘yung ating mga fare matrix … hindi lamang sa mga miyembro ng PISTON kundi sa kabuuan dahil sa hirap ng pagkuha dahil dumadaan pa tayo sa online,” saad ni PISTON national president Mody Floranda sa isang panayam.

“Hirap po ‘yung ating operators dahil hindi naman sanay na mag-online-online ‘yung ating operators,” dagdag ni Floranda nang tanungin kung nakatutulong ang online na pagkuha ng matrix.

Nitong nakaraan lamang ay nagbukas ang LTFRB sa Metro Manila ng online application para sa mga driver at operator na nais kumuha ng fare matrix.

Naging epektibo noong Lunes ang taas-pasahe sa halos lahat ng pampublikong sasakyan pero hindi puwedeng maningil nito ang mga tsuper kung walang nakapaskil na fare matrix o taripa sa loob ng sasakyan.

Dahil dito, hirit ni Floranda sa LTFRB, baka puwedeng kada asosasyon na lang ang application ng fare matrix para mas madali nang makakuha ng kopya ng taripa ang operators.

Batay aniya sa datos ng LTFRB, nasa 4,000 o 10 porsiyento pa lang ang nakakakuha ng fare matrix sa Metro Manila.

“Patuloy pa rin nilang iginigiit na kailangang mag-online ang ating operators. Ito ‘yung tinutulak nila, kailangan daw dumaan doon sa online, hindi raw puwedeng diretso sa LTFRB,” ayon kay Floranda.
“Kaya lang ang nagiging malaking problema ay ‘yung kahirapan ng pagkuha ng ating fare matrix,” dagdag pa niya.

Dapat siguruhin ng pamahalaan na maisasaayos na ang usaping ito kaugnay sa mga fare matrix dahil ito ang isa sa mga susi upang makabangon kahit paano ang ating mga drayber at operator ng pampublikong sasakyan.

Ayusin na dapat ang gusot na ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *