Patas lang dapat

Nitong nakaraan ay nagkaroon ng kasunduan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Public Attorney’s Office (PAO) na palawigin ang proteksyon ng mga solo parent at ng kanilang mga anak ay magbibigay ng mas matalas na pangil laban sa mga irresposanbleng magulang.

Ang kasunduang ito ay naglalayong bigyang proteksiyon ang mga solo parent at kanilang mga anak at ayon pa kay Department of Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo, maaari nang habulin ng solo parent ang ama ng kanilang anak.

“Napansin ko, mukhang yung ibang ama ay hindi pa rin pinapakinggan yung aming demand letter. So napilitan na kaming makipag-ugnayan sa PAO nang sa gano’n ay iba na. Dinagdagan namin yung pangil ngayon, na after ng demand letter, na ayaw pa ring magsustento, eh sa korte na ang bagsak mo. Magpaliwanag ka na sa korte,” sabi ni Tulfo sa isang naunang pahayag.

“Ang PAO lawyer ang magiging abogado ng mga single mom na ayaw sustentuhan ng mga lalaki yung kanilang mga anak,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Tulfo, parehas din ang aplikasyon ng batas para sa mga amang iniwan ng kanilang misis at solo na itinataguyod ng mga bata.

Samantala, sinabi naman ni PAO chief Atty. Persida Acosta na obligado ang mga amang mayroon namang kakayahang pampinansiyal na suportahan ang kaniyang mga anak.

Sa ganang amin, isang malaking usapin talaga ang mga pinagdaraanan ng mga solo parents na nawalan ng kanilang mga katuwang sa buhay sa iba’t ibang paraan, dahil ang palaging naiisip ng mga ito ay paano nila bubuhayin ang kanilang mga anak.

Napapanahon na rin upang tingnang muli ang mga batas sa Pilipinas na may kaugnayan sa pagiging solo parent, dahil hindi lahat ng nakararanas nito ay talaga namang natutulungan ng batas at ng pamahalaan.

Kaya good news ang hakbang na ito ng DSWD at PAO, dahil isa na ito sa magiging hakbang upang talagang matulungang makakuha ng suporta ang mga solo parents.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *