Dapat bang magbitiw?

Naging malaking usapin ngayon ang pagkaka-aresto sa anak na panganay ni Justice Secretary Crispin Remulla dahil sa kaugnayan nito sa illegal na droga, partikular sa high-grade marijuana.

Nitong nakaraan ay nasabat ng mga otoridad ang anak ni Remulla na si Juanito Jose Remulla III nang tanggapin umano nito ang isang parcel na naglalaman ng marijuana at ngayon nga ay nasampahan na ito ng kaso.

Ayon sa ilan, dapat na umanong magbitiw sa puwesto ang nakatatandang Remulla dahil mayroon umanong “conflict of interest” sa panig niya.

Sinabi ng isang abogado ng mga biktima ng war on drugs sa ilalim ng Duterte administration na si Atty. Kristina Conti na mabuti na lamang at hindi inabutan ng kasagsagan ng implementasyon ng war on drugs ang pagkaaresto sa anak ni Remulla.

“Bilang abogado ng mga biktima ng war on drugs…. sa isang banda eh nakikiramay tayo na sila ngayon eh biktima ng sarili nilang war on drugs,” saad ni Conti.

“Pangalawa, hindi naman sa masaya pero buti na lang hindi niya inabot o sinapit yung nangyari doon sa iba pang sinapit ng biktima ng war on drugs…. Baka naman sa kasong ito magkaroon ng due process na ipinagkait sa iba,” dagdag niya.

Ayon kay Conti, magiging malaking isyu rito ang “conflict of interest” sa panig ni Remulla lalo’t siya ng kalihim ng justice department.

“Meron tayong sa kultura natin yung delicadeza, ibig sabihin non palagay mo hindi ka na angkop sa posisyon sa sitwasyon. Una sa bahagi ni Sec. Remulla ang magiging usapin dito ay conflict of interest dahil siya ay ang secretary of justice, siya ang pinakapinuno ng lahat ng prosecutor sa Pilipinas. Kaya ang abogadong magkakaso tungkol dito ay galing sa DOJ at siya ang Chief,” aniya.

Naniniwala din si Conti na dapat pag-isipan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung dapat pa bang ipagpatuloy ni Secretary Remulla ang kanyang pagiging kalihim ng DOJ.

“Kailangan ding mag-isip ni Pangulong Marcos kung meron pa ba siyang tiwala sa kanyang secretary of justice…sa tingin nya ay maipagpapatuloy niya ang trabaho niya,” sabi ni Conti.

Ayon naman sa Pangulo, walang basehan ang mga panawagan na magbitaw si Remulla sa kaniyang tungkulin.

Una na ring sinabi ni Remulla na hindi siya manghihimasok sa kaso ng anak.

Dapat na nga bang magbitiw sa kanyang puwesto si Secretary Remulla?

Abangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *