CAGAYAN, HINAGUPIT NI ‘NENENG’

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Cagayan officer Michael Villamin, maraming barangay na umano ang totally flooded o partially flooded at ayon sa kanya, ang ilang lugar ay nagpalubog na sa ilang mga kabayahan.

Dagdag pa ni Villamin, tumaas ang tubig baha sa ilang lugar sa lalawigan simula pa noong Sabado ng gabi.

Sinabi naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba na binaha noong Sabado ng gabi ang ilang lugar sa Aparri, Buguey, at Santa Ana habang nagpatupad naman ng preemptive evacuation sa ilang bahagi ng Aparri, Baggao, at Allacapan.

Samantala, binaggit din ni Villamin na nakatanggap sila ng mga ulat ng dalawang pagguho ng lupa sa bayan ng Santa Ana.

Nasira rin ang ilang bangka ng mga mangingisda, ayon pa sa opisyal ng DILG.

“Dahil din sa epekto ng bagyong Maymay noon na nagdala rin ng mga pag-ulan sa loob ng halos isang linggo … naipon ang tubig tapos sinabayan pa ng bagyong Neneng ngayon at nagkaroon pa ng high tide kaya may mga lugar na binaha,” sabi ni Villamin.

Binaggit din ng opisyal na gumamit ng rubber boat o water vessel ang mga rescuer upang maabot ang mga residente sa mga binahang lugar.

Batay sa mga inisyal na ulat na kanilang natanggap, sinabi ni Villamin na nasa 155 pamilya ang dinala sa mga evacuation centers at nangangailangan ng relief goods.

“Nangangailangan ng relief packs lalo na para sa mga matinding binaha… May ilan na apektado maging ang kanilang kabuhayan,” aniya.

Dagdag pa ni Villamin, nawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng Cagayan dakong 3:30 p.m. kahapon.

Batay naman sa video ng isang netizen na ibinahagi ng Cagayan Provincial Information Office sa Facebook, umabot hanggang baywang ang tubig baha sa Purok 6 sa bayan Claveria kaninang madaling-araw.

“Yung Cagayan River namin, hindi naman lumaki. Dito lang po sa northernmost towns ng Cagayan ang dire-diretso ang pag-ulan kaya may preemptive measures na ginawa sa evacuations,” saad ni Mamba.

Sa kabutihang palad, wala naman naiulat na nawawala o namatay sa Cagayan dahil kay Neneng, ayon pa sa gobernador.

Samantala, sinabi ng pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na si Sheena Talla na ilang kalsada sa pitong barangay ng Buguey, Cagayan ang hindi madaanan ng mga maliit na sasakyan dahil sa abot hanggang tuhod na tubig baha.

Binaggit din ni Talla na humingi na sila ng tulong sa Philippine Coast Guard para ilikas ang mga apektadong residente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *