Mga estudyante, guro sa Mati City, tinamaan ng COVID-19

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Mati City sa Davao Oriental na nasa 19 na estudyante at apat na guro ang nahawahan na ng COVID-19 mula nang magsimula ang pasukan noong Agosto 22.

Ayon sa Mati Incident Management Team (IMT), nasa walong paaralan sa mga barangay ng Badas, Sainz, Matiao, Central, Lawigan, Dahican, Don Enrique Lopez at Don Salvador Lopez naitala ang kaso ng COVID-19.

Noong Agosto 30 naitala ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa isang paaralan pero naituring din itong “recovered” o gumaling sa sakit noong Setyembre 6.

Hanggang noong Sabado, anim lang ang active COVID-19 cases sa mga paaralan sa Mati. Sa kabuuan, may 30 active cases sa lungsod.

Ayon kay IMT Commander Der. Ben Hur Catbagan Jr., karamihan sa mga pasyente ay asymptomatic o walang sintomas at nagho-home quarantine.

Naiwasan umano ang matinding pagkalat ng virus dahil sa mabilis na ugnayan ng local government sa mga paaralan at komunidad.

Base sa panuntunan sa lungsod, kailangan isara nang 4 hanggang 5 araw para sa disinfection ang mga classroom kung saan nagkaroon ng positibong kaso ng COVID-19.

Ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) ang full face-to-face classes sa lahat ng paaralan simula Nobyembre 2 pero noong pagbubukas pa lang ng School Year 2022-2023 ay marami nang paaralan ang nagpatupad nito.

Nauna na ring sinabi ng DepEd na binabantayan nito ang ulat ng mga hawahan ng COVID-19 sa mga paaralan. Ipinauubaya na rin ng ahensiya sa mga lokal na pamahalaan ang paglalabas ng datos ng mga kaso ng COVID-19 sa mga paaralan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *