Nagkabit ng jumper nakuryente, agaw-buhay

Agaw-buhay ngayon ang isang lalaki matapos na makuryente at mahulog pa mula sa poste ng kuryente habang nagkakabit ng jumper o illegal connection sa Malabon City, nitong Sabado.

Sa ulat ni Malabon Police Chief PCol. Albert Barot, ay dakong 9:00 am nang umakyat sa poste ng kuryente ang biktimang si Mark Ryan Velasco, 38, may asawa at residente ng Block Damata, Letre Road, Brgy. Tonsuya upang magkabit jumper.

Ngunit habang nasa gitna ng pagkakabit ay aksidenteng nakuryente ang biktima na dahilan upang gumapang ang malakas na boltahe ng kuryente sa kanyang katawan at mawalan ito ng balanse saka nahulog.

Sakto naman na naglalakad nang pauwi sa kanila, ang kapatid ng biktima na si Arnie Velasco at laking gulat na lamang nang makitang nakabulagta at walang ulirat ang kapatid, dahilan upang agad siyang humingi ng saklolo sa mga awtoridad na silang nagsugod sa biktima sa pinaka malapit na pagamutan.

Kasalukuyan na ngayong nagsasagawa ng pagsisiyasat ang Malabon City Police Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) upang malaman kung sino pang sangkot sa ilegal na koneksiyon ng kuryente.

Base sa ilalim ng RA 7832 o ang Anti-Electricity Act, ang sinumang mapapatunayang nagkabit ng ilegal na koneksiyon ng kuryente, electric meter tampering o gumamit ng kahit anong device na nakakasagabal sa maayos at wastong pagrerehistro ng nakonsumong kuryente ay maaaring makulong ng 12 years, na may piyansang P20,000 habang dinidinig pa sa korte ang ang kaso.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *