Paghandaan ang Undas

Ngayong nalalapit na ang paggunita ng Araw ng mga Patay o Undas, naghahanda na agad ang ilang mga sangay ng pamahalaan upang masigurong magiging ligtas ang obserbasyon ng Undas ngayong nagluwag na ang mga alert level restrictions sa bansa.

Bukod sa mga pagpapakalat ng mga dagdag puwersa ng pulis sa ilang mga terminal, nagsisimula na ring mag-inspeksyon sa mga pangunahing sementeryo sa National Capital Region gaya ng Manila North at Manila South cemeteries.

Ayon naman sa pamunuan ng isa sa mga malaking terminal sa Metro Manila na Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX, inaasahang aabot sa 140,000 hanggang 150,000 ang bilang ng mga pasahero na dadagsa rito ngayong Undas.

Sinabi ni PITX spokesperson Jason Salvador na ang dahilan nito ay ang sumisiglang pagbiyahe sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at sa Metro Manila bunsod ng bumubuting lagay ng COVID-19 pandemic.
“Nakakaranas tayo ng masiglang pagbabiyahe ng ating mga kababayan, in the recent weeks or in the past two months, nakaka-average na tayo ng around 120,000 passengers per day,” sabi ni Salvador.

“Ine-expect natin, in the coming months, lalo na simula ng undas, bagong taon, tataas pa ito ng bahagya kasi alam natin na ito talaga yung season for travelling. Ina-anticipate natin na magkakaroon pa ito ng around 10 to 20 percent increase, siguro mga 140,000 – 150,000 specially during Undas itself at saka sa Christmas,” dagdag niya.

Dahil dito, maaga pa lang ay puspusan na ang paghahanda ng PITX. Nakipag-usap na umano ang pamunuan ng terminal sa Land Transportation Office para sa pagsusuri ng road worthiness o maayos na lagay ng mga bus maging kalusugan ng mga tsuper. Nakipag-ugnayan na rin ang PITX sa Land Transportation and Regulatory Board sakaling kailanganin ng karagdagang bus.

“Just two things that we need to prepare for, one, the availability of trips and second the security of our passengers. Last week nakipag-meeting na tayo sa pamunuan ng LTFRB, sa kanilang board, upang tiyakin na magkakaroon tayo ng sapat na bilang ng mga sasakyan lalo na nitong undas dahil alam naman natin na sinasamantala ng ating mga Kapamilya bumiyahe sa kanilang probinsya kapag ganitong undas,” sabi ni Salvador.

“Nakipagpulong na tayo diyan and happy naman tayo na willing silang tumulong sa atin, infact maglalagay sila ng kani-kanilang personnel dun upang tiyakin na kapag kailangan ng mga emergency buses o kailangan magdagdag ay mabibigyan agad ng mga special permit,” dagdag niya.

Makikipagpulong na rin umano sila sa PNP, Office of Transport Security, at iba pang security agencies upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero.

Ngayon pa lang ay talaga namang kailangan nang paghandaan ang obserbasyon ng Undas dahil hindi dapat ito maging isang super spreader ng COVID-19.

Nawa’y masunod ang lahat ng gagawing hakbang upang mapigilan pa ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *